Katuwaan man sa umpisa, sinabi ni Janno Gibbs na nakaapekto kalaunan sa kaniyang trabaho ang bansag sa kaniya noon na “The Late” Janno Gibbs dahil nale-late siya sa kaniyang mga lakad. Ipinaliwanag kung bakit.

Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Biyernes, sinabi ni Janno na ang insomnia ang dahilan kaya siya nale-late noon.

“Of course, I’m notorious for that label. ‘Kapag si Janno, late ‘yan.’ Sinakyan ko na lang, just for fun, for comedy, for a laugh,” ayon sa singer-actor.

Pero kinalaunan, nagkaroon ng negatibong pagtingin sa kaniyang propesyonal na buhay ang bansag na “late.”

“Later on when it was medyo negative na ‘yung dating, it was affecting my job. ‘Naku! ayoko nang kunin ‘yan, mahirap ‘yan, nale-late ‘yan. Eh hindi na ako nale-late,” kuwento ng singer-songwriter.

“I must admit, I was a little difficult before. But ever since I re-entered Viva, I’m always on time. Kahit maaga ang shooting, nandoon ako,” paglilinaw niya.

Sinabi ni Janno na gusto na niyang palitan ang kaniyang Instagram handle noon, pero ayaw na itong payagan ng Instagram dahil marami na umano siyang followers.

“I want to change it actually… Hindi na po ako nale-late. Absent na lang. At least nag-level up,” biro ni Janno.

Inilahad ni Janno ang kaniyang motibasyon sa kaniyang pagbabago.

“Sabi ko this is my nth chance, I’m gonna do it right, I’m have to fix myself. Kapag sinasabing late lagi, hindi naman ako sobrang late,” depensa ni Janno sa sarili.

Dagdag pa niya, may kilala siyang ibang mga aktor na mas nahuhuli pa ang dating kaysa kaniya.

Sa kaso ni Janno, sinabi niyang dahil ito sa kaniyang insomnia, na hindi pa rin nagagamot hanggang ngayon.

“Mine is coming from insomnia. I’m still there, there’s no cure. I’ve been to a lot of doctors, ‘Fix your sleeping habits,’ ‘I’ll give you this medicine,’” lahad niya.

Handa raw si Janno na sumailalim at ikatutuwa niya kung mayroon mang operasyon para sa insomnia.--FRJ, GMA Integrated News