Hinding-hindi makakalimutan ng komedyanteng si Mosang ang kaibigan niyang si Judy Ann Santos dahil sa ilang beses na pagtulong sa kaniya noong panahon na walang-wala siya.

Sa latest vlog ni Ogie Diaz, ikinuwento ni Mosang na naging malapit sila ni Judy Ann o Juday nang magkasama sila sa isang TV series.

At kapag nangailangan siya ng tulong, hindi siya pinababayaan ng aktres.

"She's always been there for me. In and after the pandemic, I'm so blessed with good friends," sabi ni Mosang kay Ogie habang kumakain sila sa maliit na kainan ng komedyante sa Bago Bantay sa Quezon City.

BASAHIN: Sinangag na 'binudburan,' patok sa kainan ng komedyanteng si Mosang

Ayon kay Mosang, nang magkasakit ang kaniyang ina, humingi siya ng tulong sa aktres para humiram ng pera upang may pang-downpayment.

"Sa lowest time ko noon. Talagang siya lang yung artistang... my God, hindi ko makakalimutan 'yun. Nasa ospital ang nanay ko noon, wala na ako pambayad ng bill, sabi ko 'Si nanay kasi nasa ospital kailangan ko ng downpayment.' Sabi niya 'magkano ba kailangan mo?,'" kuwento niya.

Pero sinagot umano ni Juday ang buong bayarin ng kaniyang ina sa ospital.

At nang siya naman ang nagkasakit, dinala siya ni Judy sa ospital para ipagamot, at inalagaan pa.

“Nakita niya namamaga na 'yung legs ko, whatever. Dinala niya ako sa St. Lukes. I've never been to St. Luke's, wala akong pambayad kamo. Sabi niya, 'Dito ka. Magpapagamot ka,'” kuwento pa ng komedyante.

Ngunit hindi pa roon nagtapos ang pagtulong sa kaniya ni Juday. Ayon pa kay Mosang, nang maoperahan siya at hindi pa makapagtrabaho, humingi rin siya ng tulong sa aktres para pambayad sa nilipatan niyang bahay na pang-dalawang buwan.

Hindi lang pambayad ang ipinadala ng kaibigan kundi maging pang-grocery.

Hanggang ngayon, hindi umano nagbabago sa kaniya si Judy Ann.

Bukod kay Juday, binanggit din ni Mosang si Michael V na tumulong sa kaniya para makapagsimulang muli sa kaniyang negosyong kainan nang matapos ang pandemya.

"Ang dami kong fall talaga rin na talagang ang bait ng Diyos kasi depsite of the fall, lagi akong may Earth Angel, eh," sabi ng komedyante.

Ngayon na maayos na kaniyang kalagayan sa buhay, sinabi ni Mosang na ibinabalik na niya ngayon ang pagtulong sa iba.

"'Yung kindness na binigay nila sa akin, hindi ko pa man maibalik sa kanila pero binibigay ko sa ibang tao," ani Mosang. "Kapag may tumulong pagyamin mo, at kapag kaya mo na tumulong sa iba." --FRJ, GMA Integrated News