Aminado si Keempee de Leon sa panliligaw niya noon sa mga artistang na-link sa kaniya. Pero ngayon, single ang aktor at ibinigay daw muna niya ang kaniyang oras sa Diyos.

Sa episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes, sinabi ni Keempee na naging hobby niya noon ang manligaw.

“Tito Boy, lahat ‘yun totoo na niligawan ko talaga. Walang halong promo, walang halong showbiz. Kung sa matinik, talagang ‘yun ‘yung hobby ko noong araw, na manligaw,” pahayag niya.

“During my time kasi Tito Boy, ako ‘yung tipong select and collect eh, honestly, noong araw," saad niya. “So ‘pag meron kaming bagay na hindi napagkasunduan, wala, totally iwasan na lang. Goodbye na lang, gano’n. Wala nang closure talaga.”

Ngunit nang nagkaka-edad na umano siya, napagtanto ni Keempee na mali ang kaniyang mga nagawa at humingi siya ng tawad sa mga babaeng nasaktan niya.

“Noong medyo na-realize ko na ‘yung mga bagay noong nagka-edad na ako, nag-sorry naman ako sa kanila,” anang aktor.

“At iisa ang sinabi nila, ‘Possessive ka kasi.’ Seloso ako,” pag-amin ni Keempee. “Kahit friend niya, magtinginan lang sila, mag-ngitian, away na ‘yun. I-isantabi ko na ‘yun, mag-uusap na kami, mag-aaway na kami, buong gabi away na ‘yun. Hindi na namin na-enjoy ‘yun hanggang sa umuwi talaga.”

Nang tanungin kung naitama niya ito, “Na-correct ko siya noong medyo nagka-edad na eh,” ang sabi ni Keempee.

Huli niyang relasyon ay noong 2010 na non-showbiz.

Inilahad ni Keempee na single siya ngayon.

“Binigay ko muna ‘yung time ko sa Diyos,” sabi ni Keempee. “I have the peace and joy of God.”

Nang tanungin ni Tito Boy si Keempee na kung tatanungin siya ng Diyos kung gusto pa niyang mag-asawa, natatawang tugon ng aktor, "Opo, Lord. Gusto ko po, gustong gusto."

Pero sabi ni Keempee, ipinapaubaya niya sa Diyos kung ano ang gusto Nito para sa kaniya. -- FRJ, GMA Integrated News