Proud na ibinahagi ni Cassy Legaspi ang kaniyang road to fitness matapos siyang makapagbawas ng 30 pounds. Paano kaya niya ito na-achieve?
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing na-diagnose ng hypothyroidism o underactive thyroid sa edad 15 si Cassy.
Kung kaya naman kinasahan niya ang hamon na maging physically fit.
"I lost 30 pounds. Grabe 'yung 30 pounds na 'yan," pagbabahagi ni Cassy.
Ayon sa Sparkle actress, tunay na hamon ang magbawas ng unwanted pounds, kaya naman disiplina ang kaniyang puhunan.
"Nagpa-check up na ako and then talagang change lifestyle," sabi ni Cassy.
Nagpasalamat naman si Cassy dahil full support ang buong pamilya sa kaniyang fitness journey.
"In terms of diet, kailangan talaga 'yung tiyaga. But at the same time, hindi puwede mag-calorie counting masyado. Dapat 'yung sakto lang, saktong amount. And then the types of food din that I eat," sabi niya.
Sabay-sabay ang Legaspi family na maging fit and healthy, at naglalaan sila ng oras para mag-workout.
"That's our bonding. Actually, it does. Parang 2-in-1 na siya na since I don't get to see my family as much since we all have work and all of that, 'yan 'yung bonding namin, nag-gi-gym kami," sabi ni Cassy. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News