Inihayag ni Ivana Alawi na mas gusto niya ang guy na hindi taga-showbiz na maging boyfriend. Alamin kung bakit ayaw niya sa lalaking na nasa showbiz din na gaya niya.

Sa panayam ng entertainment press na mapapanood sa Kapuso Showbiz News, sinabi ni Ivana na nakikipag-date siya ngayon pero wala pa siyang karelasyon.

Kung sakaling pumasok man sa isang relasyon, sinabi niya na mas gusto niya na wala sa showbiz ang lalaki.

Hindi raw kasi gusto ni Ivana na nakikipag-laplapan sa iba ang kaniyang boyfriend.

"Hindi ko talaga yung taga-showbiz kasi nga nakikipaglaplapan sa iba. Hindi ko kaya 'yon. Pero ako puwede 'di ba," natatawa niyang sabi.

Kung papipiliin naman daw siya ng lalaki na iwan ang showbiz para sa nobyo, sinabi ni Ivana na iiwan niya ang lalaki.

"Iiwan ko muna siya. Una yung showbiz bago siya. Trabaho muna," ani Ivana, sabay sabi na ayaw niyang bibigyan siya ng restriction.

"Ayaw kong maglagay [sa akin] ng restriction na bawal 'to, bawal 'to, bakit kasal na ba ako? So hindi matagal pa 'yon," dagdag niya.

Sinabi rin ni Ivana na hindi siya mahilig sa taga-showbiz dahil nakikita niyang hindi sila magkakasundo.

Ayon pa sa aktres, ginagawa siyang "sugar mama" ng mga nakaka-date niyang taga-showbiz.

“Ako naman, okay ako, split the bill. Pero huwag naman todo-todo na lahat na lang ako,” paliwanag niya.

Taliwas din sa akala ng iba na easy to get siya, ayon kay Iva, hard to get talaga siya kaya mahirap siyang ligawan.

At ang kaniyang ideal guy, "Hindi mayabang, saka may puso, gustong tumulong din." --FRJ, GMA Integrated News