Binalikan ni Buboy Villar ang hindi niya makakalimutang karanasan noong bata pa nang sumali siya sa isang singing contest habang suot ang costume ng kaniyang ina na may sparkle, at hindi siya nagpaalam. Nanalo at pinagalitan kaya siya? Alamin.

Sa vodcast na “Your Honor,” ikinuwento ni Buboy na mahilig siyang panoorin ang kaniyang ina na sumasampa noon sa mga stage upang sumali sa mga singing contest sa mga barangay.

At isang araw, naglakas-loob siyang tumakas sa kanilang bahay at sumali rin sa singing contest.

“One time, lumabas ako sa bahay namin, dala-dala ko 'yung costume ng nanay ko. ‘Pag merong mga singing contest, siyempre, 'yung mga sparkle sparkle, dala-dala ko ‘yun, ‘di ko nga alam kung paano sinusuot ‘yun,” kuwento ng Kapuso comedian.

Kalaunan, nadiskubre ni Buboy na para sa mga nakatatanda ang paligsahan, at siya lamang ang nag-iisang batang kalahok.

Dahil dito, naawa sa kaniya ang isa sa mga hurado at binigyan siya ng premyo matapos siyang pakantahin.

“Sumali ako sa isang singing contest, puro matatanda 'yung kasali, walang bata. Tapos, 'yung isang judge, siguro naawa na lang sa akin, Sige, ikaw mag-intro.’ Pinakanta nila ako, binigyan nila ako ng bigas, de lata,” ayon kay Buboy.

Ayon pa kay Buboy, isang kapitbahay nila ang nakapanood sa kaniya at nagsabi sa kaniyang ina tungkol sa kaniyang ginawa.

Hindi naman daw siya pinagalitan ng ina, at iyon ang simula sa paghikayat sa kaniya na sumali rin sa mga singing contest.

“So pag-uwi ko, may dala na akong bigas tsaka de lata. ‘Ma, meron akong dala. Sumali ako sa singing contest.’ Sinabi ng nanay ko, ‘Ano, gusto mo ba maging katulad ng mama mo, maging singer din?’” ani Buboy.

“So, ‘yun, nagtuloy-tuloy. Hindi na nawala hanggang ngayon. Kung hindi nangyari ‘yun, wala akong talentong ganito ngayon,” anang komedyante.

“Actually, natuwa lang ako na nakapagbigay ako ng bigas tsaka de lata doon sa nanay ko. Hindi ko na naisip 'yung talent eh, kumbaga bonus ‘yun sa akin. Pinaka nasa isip ko lang noon, ‘Wow, ito pala 'yung pakiramdam na makapagbigay [sa pamilya],’” patuloy niya.-- FRJ, GMA Integrated News