Tutulong ang kontrobersiyal na fitness coach at social media personality na si Rendon Labador sa fitness program ng Philippine National Police para sa pagbabawas ng timbang ng mga mabibigat na pulis.Coach at social media personality, may libreng 93-day functional workout at diet para sa fitness program ng kapulisan.“Tawagin niyo akong pambansang coach ng kapulisan,” sabi ni Rendon sa ulat ni Jun Veneracion sa 24 Oras nitong Huwebes, kaugnay sa libre umano niyang 93-day functional workout at diet para sa fitness program ng kapulisan.Nagkaroon sina Labador at ang Police Community Affairs and Development Group ng PNP ng kasunduan kung saan tutulong siya sa programang pangkalusugan ng police unit.“Ginagawa ko po ito nang libre. Nagpresenta po ako pati 'yung aking mga coaches para tumulong,” sabi ni Labador.“Nag-usap kami ni Rendon, naghingi ako ng tips. Wala namang involved na financial dito. Makikita natin is fit na magturo. He's a gym instructor,” ayon naman kay Police Brigadier General Marvin Joe Saro, Director ng PCAD.Sa pamamagitan ng functional workout at diet ni Labador, sigurado umanong mababawasan ang timbang ng mga pulis.Ayon kay Labador, pagsunod din ito sa direktiba ni PNP Chief Nicolas Torre III, at ginagawa niya ito dahil malapit sa kaniya ang PNP lalo’t isa siyang anak ng isang retiradong general.“Mas may credibility, mas magtitiwala sa pulis na fit,” ani Labador.Bilang isang social media personality, nasangkot na noon sa ilang isyu si Labador.Kabilang dito ang pagkakadeklara sa kaniya at iba pang kasamahan bilang persona non grata sa Palawan noong nakaraang taon matapos makasagutan ang ilang tauhan ng munisipyo at mag-post siya laban sa mga taga-Coron.Humingi sila ng paumanhin ukol dito kinalaunan.Noon namang 2023, umani ng batikos si Labador matapos niyang i-livestream ang isang raid ng PNP Anti-Cybercrime Group sa Makati.Humantong pa ito sa pagkakasibak noon sa puwesto ng tagapagsalita ng PNP-ACG.Naniniwala naman ang Police Community Affairs and Development Group na hindi makakaapekto sa kanila ang imahe sa social media ni Labador.“As far as the PCAD is concerned, focus lang kami doon sa fitness,” sabi ni Saro.“Ang tanong ko sa lahat ng mga bashers na rin at haters, handa na ba kayong makakita ng fit na pulis?” sabi ni Labador.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News