Inilahad ni Shuvee Etrata na mas natuto pa siyang maging mas bukas at magmahal matapos siyang sumali sa “Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition.”

Sa episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes, tinanong ni Tito Boy si Shuvee tungkol sa nadiskubre niya sa kaniyang sarili na kaya pala niyang gawin.

“Kaya ko po palang magmahal,” sagot niya.

“With all the traumas that I've experienced dito, parang naramdaman ko po na mataas ‘yung walls ko. Pero sa loob ng bahay po, natuto po ako mag-compromise, makiramdam, makisama. Alam mo ‘yung willing po ako mag-accept ng love. Kaya po marami pong pagmamahal na naibibigay,” saad niya.

Sa kaniya namang Facebook post, inilahad ni Shuvee na hindi pa rin siya makapaniwala sa pagmamahal at suporta na kaniyang natatanggap mula sa fans.

“It’s been two weeks since I got evicted from the PBB house, and I’m still trying to process everything that’s happened. Grabe pala yung pagmamahal niyo sa akin. ” anang Sparkle artist.


Pakiramdam niya, para na rin siyang “winner” mula sa pagmamahal ng kaniyang fan club na Pangkat Shuvee.

“I may not have taken home the title, but in my heart, I truly feel like a winner. Thank you, @pangkatshuveeofficial sa pagmamahal niyo sa akin. What did I do to deserve you guys? ”

Pinasalamatan din ni Shuvee ang kaniyang management sa Sparkle sa pag-organisa ng kaniyang homecoming, at ang fan club din ng kaniyang ka-duo na si Klarisse De Guzman na Klarissenatics na tumulong makalipad ang kaniyang mga magulang sa Maynila.

“Grabe kayo!!! #TeamShukla forever! Thank you po sa lahat ng nag vote sa amin ni Ate Klang. Patuloy po ang laban natin dito sa outside world,” sabi ni Shuvee.

Napanonood ang "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition" sa GMA Network mula Lunes hanggang Sabado sa ganap na 9:35 p.m. – FRJ, GMA Integrated News