Nag-viral sa social media ang literal na pag-“fall” ng isang babaeng fan nang kunin ni Paul Salas ang kaniyang upuan habang nagtatanghal sa Palawan kamakailan.

Sa Chika Minute report ni Audrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, makikita si Paul na nilapitan ng fan na si Katrina Lopez, at nag-picture silang dalawa.

Matapos na magpa-picture, nagtuloy-tuloy sa kaniyang pagtatanghal si Paul sabay kuha sa isang upuan na monoblock, na upuan pala ni Katrina.

Hindi rin namalayan ni Katrina na kinuha ni Paul ang bangko niya kaya natumba at bumagsak siya sa sahig.

Nagpatuloy si Paul sa pagtatanghal at ginamit niyang tungtungan ang upuan.

Ipinaliwanag ni Paul na wala siyang kaalam-alam sa nangyari, at madalas daw niyang gawin ang pagkuha ng upuan sa kaniyang pagtatanghal.

“Lumalapit ako sa mga tao tapos umaangat ako sa monoblock para…nagbibigay kasi ako ng jacket ko, ng necklace na suot ko,” saad niya.

Nalaman lang daw niya ang insidente nang may mag-tag sa kaniya at viral na video.

“Hindi ko alam na upuan niya [fan] ‘yon,” saad ni Paul. “Naka ano pa ako noon, ear monitor, wala talaga akong naramdaman.”

Ayon naman kay Katrina, hindi inaasahan ang pangyayari at mas tiningnan niya ang insidente sa positibong pananaw.

“Salamat din kay Sir Paul kasi napasaya niya kami,” sabi ni Katrina.

Nakiusap sina Paul at Katrina sa ibang netizens na itigil na ang negatibong komento sa naturang pangyayari.

Muli namang humingi ng paumanhin si Paul kay Katrina, at umaasa ang Kapuso actor na makakabalik siya sa Palawan para makabawi sa kaniya.

May natutunan din daw si Paul sa nangyari, na iniisip na magdala na ng sarili niyang upuan sa mga susunod niyang pagtatanghal. –FRJ, GMA Integrated News