Inihayag ni Anjo Yllana na natakot siya noon kay Fernando Poe Jr. kaya siya umatras sa pagpapakasal kay Sheryl Cruz, na pamangkin ng tinaguring “Da King” noon sa Philippine showbiz.Sa kaniyang guesting sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes, inilahad ni Anjo na muntik siyang mahulog sa kaniyang kinauupuan matapos isiwalat ni Sheryl ang kuwento tungkol sa naudlot nilang kasal dahil bigla na lang siyang nawala.“Kaya nga noong nag-guest siya rito. Nahulog ako sa upuan ko kasi sinabi niya ‘yung totoo, ‘yung kasal na hindi natuloy,” sabi ni Anjo.Binalikan ni Anjo ang kaniyang dahilan kung bakit hindi niya itinuloy ang pagpapakasal sa aktres noon.“Niyaya ko na siyang magpakasal noon. Then I broke up because natakot ako doon sa tito niya, si FPJ. I had to talk to him daw, bago kami magkatuluyan,” sabi ni Anjo.“So nagkaroon ako ng cold feet. Sabi ko, ‘Baka bugbugin ako.’ Ganu’n 'yung isip ko noon kasi bata pa ako eh, first time ko magpapakasal. Sabi ko, ‘Takot ako.’Iyon nga 'yung sinabi niya noong hinulog niya 'yung bomba ng interview. Totoo ‘yun, na bigla na lang ako nawala kasi 'yun ang rason. Parang hindi ko pa yata kaya. Parang nabibigla lang ako du’n sa sinabi kong ‘Tara pakasal na tayo,’” kuwento ng aktor.Ang ina ni Sheryl Cruz na si Rosemarie Sonora ay kapatid ni Susan Roces, asawa ni FPJ.Makalipas ang 10 taon, muling nagkasama sina Anjo at Sheryl sa isang proyekto.Ikinuwento ni Anjo na noong magka-eksena sila ni Sheryl, naging malakas umano ang sampal sa kaniya ng aktres nang kunan na ang eksena.“Noong first time kaming magkita, this was 10 years after the breakup, and she has a kid na, parang 10 years old na rin siguro. First time naming magkita sa eksena, so akala ko, lahat ng nangyari, tapos na ‘yun. May eksena na sasampalin ako, ‘pag [sampal] sa akin, ang lakas. Kasi nilabas niya 'yung galit niya ng sampung taon,” natatawang sabi ni Anjo.“Sabi ko, ‘Galit ka ba?’ Sabi nu’ng director, take 2. So akala ko, hihinaan na niya, nilabas na niya. Noong take 2, kasing lakas pa rin,” pagpapatuloy niya.Tinanong ni Anjo si Sheryl kung may problema ito sa kaniya.“So, kinausap ko ‘May problema ba tayo? Sabihin mo lang…’ pabiro, ‘Kasi nararamdaman ko, parang may hinanakit ka pa sa akin 'yung sa nangyari dati.’ Sabi niya, ‘Oo naman,’” pagkumpirma ni Anjo.Hanggang sa nagkabalikan sina Anjo at Sheryl.“Tapos ‘yun naiintindihan ko na, oops. Parang meron akong iniwan dati na talagang hindi maganda sa kaniya, hindi maganda doon sa relasyon. Kasi all the relationships I had, ang tingin ko roon laro-laro lang. ‘Pag seryoso kayo, wala namang nangyari. So ‘yun tinamaan ako roon, nagbalikan kami. Sabi ko, ‘Sige try natin kasi i-continue natin ‘yung hinanakit mo dati,” ayon kay Anjo.Gayunman, muli silang nag-break ng aktres.“Because she found out that I was still living with my kids. At isang bubong lang kami ng mama ng kids. So naiintindihan ko naman ‘yun. Kasi sinabi ko naman sa kaniya, we're not talking, I'm just there because nag-break kami, nandu’n ako eh. Ayokong iwanan ‘yung mga bata, gusto ko pa rin sila makasama. Hindi niya naiintindihan ‘yun,” paliwanag ni Anjo.Biro ni Anjo tungkol sa samahan nila nila ni Sheryl, “So malamang may part 3 ‘to.”Pero nilinaw niya na maaari lang magkaroon ng part 3 kung single lang si Sheryl.Hiningan ni Tito Boy ng mensahe si Anjo kay Sheryl.“Seriously, if you are happy right now, I'm very happy for you. Alam ko marami kang pinagdaanan din. Kaya sana, ito na, naririnig ko kung totoo, sana maging happy ka lang. Masaya na ako, basta happy ka,” sabi ni Anjo. – FRJ, GMA Integrated News