Tinupad ni Alden Richards ang kaniyang childhood dream at inumpisahan na ang kaniyang journey para maging isang piloto.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing sinimulan na ni Alden ang kaniyang pagiging flight school student bilang si Cadet Richard Faulkerson.

Malayo ito sa kaniyang buhay bilang isang movie and TV star, at unang hakbang para balikan ang halos isang dekada nang umalpas na childhood dream.

“I've always been so curious paano lumilipad ng ganu’n kalaki at kabigat na sasakyang panghimpapawid. Tapos of course, how it's being navigated sa langit, ganiyan, from point A to point B, paano nakakarating, paano nag-take-off,” sabi ni Alden.

Sa kaniyang flight school induction ceremony, ikinuwento ni Alden na matapos ang 15 taon niya bilang artista, mga personal naman niyang ambisyon ang gusto niyang tuparin.

Para kay Alden, ang pagiging piloto ay hindi lang basta ambisyon.

“Since nagkaroon ako ng isip sa mundo, parang meron akong core objective to fulfill my parents' dreams na hindi nila natupad in their lifetime. And surprisingly, kagaya ng showbiz para sa nanay ko, for me, ito naman, dream ni dad for himself, pero eventually, nagustuhan ko na rin,” anang Asia’s Multimedia Star.

Sinamahan din ng GMA Integrated News si Alden sa kaniyang full day sa eskuwelahan sa Pampanga mula classroom hanggang hangar at runway.

Ipinasilip din ang pagsubok ni Alden sa isang flight simulator, kung saan ipinaranas sa kaniya ang mga real-life na sitwasyon habang nasa isang umaandar na eroplano gaya ng turbulence, mula take-off, mid-flight, hanggang landing.

“There's no such thing as a busy schedule when you make time and you have time management. Time management is the key. Definitely this year for ground school, and then tuloy-tuloy na toh, this will be a two-year course, and after I graduate, I'm going to be able to fly a commercial plane,” sabi ni Alden. — Jamil Santos/BAP GMA Integrated News