Sa YouLOL Originals vodcast na “Your Honor,” tinanong ang Kapuso journalist na si Kara David kung sino ang gusto niyang maging leading man kung siya ang magiging bida sa isang teleserye. Alamin kung sino ang naisip niya.
Sa teaser ng “Your Honor,” tinukoy ni Kara ang Sparkle actor at dating Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition housemate, na si Michael Sager ang nais niyang maging leading man sa teleserye.
Dugtong ng host na si Buboy Villar, papaano kung siya ang available at hindi puwede si Michael?
“Yun ‘yung trip na babasagin,” birong sagot ni Kara patungkol sa usapan nila na walang basagan ng trip.
Anong role naman kaya ang trip ni Kara na gampanan sa teleserye?
“‘Yung hindi ka maganda tapos biglang gaganda,” natatawang sabi ni Kara, na nagpa-sample pa ng kaniyang acting skills.
May pasilip din ng pagbibigay ni Kara ng kaniyang opinyon tungkol sa mga kasalukuyang isyu, gaya ng pagkomento at pagyayabang sa social media, at trabaho niya bilang isang mamamahayag.
Abangan ang guesting ni Kara sa “Your Honor” nitong Sabado pagkatapos ng “Pepito Manaloto” ng 7:15 p.m. Mapapanood din ito sa Youtube channel ng GMA na YouLOL.—FRJ GMA Integrated News
