Ibinahagi ni Josh Ford ang kaniyang mga naging karanasan sa pagtatrabaho sa United Kingdom para matulungan sa gastusin ang kaniyang ina nang pumanaw ang kaniyang ama.
Si Josh ang naging unang panauhin sa pilot episode ng "Chapters by Sparkle," kung saan nagkuwento siya ng kaniyang naging pamumuhay sa UK.
Ayon kay Josh, lumipat sila ng kaniyang pamilya sa United Kingdom nang pumanaw ang kaniyang ama. Tanging ang ina lang nila ang bumuhay sa kanila ng kaniyang tatlong kapatid.
"So, when my mom said na we're gonna live there, lahat kami talaga nagulat. Naisip ko, paano na 'yung mga kaibigan ko dito? Paano na 'yung work? Paano na 'yung mga pinsan ko? Paano na 'yung mga ibang gamit ko?" anang aktor.
"Ang hirap po mag-adjust to somewhere new. Especially my mom. Kasi, my dad's our provider. Siya lang 'yung nagwo-work sa family namin. So, when he passed away, hindi po talaga alam ng mom ko kung anong gagawin. She was a single mom with four very young kids," patuloy niya.
Nang magkolehiyo na siya, nagpasya si Josh na magtrabaho para magkaroon ng sariling panggastos at matulungan ang ina.
"Ayaw ko masyado nanghihingi. Kasi, she's a single mom working for four kids. Ayaw ko nang magiging, ano eh, pabigat. So, kailangan ko magkaroon ng sarili kong pera. I was at the age na puwede na ako magtrabaho," sabi pa niya.
Unang sumabak si Josh sa pagiging care worker, na nag-aalaga ng mga nakatatanda na may dementia at iba pang karamdaman.
"I was a care worker at one point. I was a carer. Ako po 'yung nagbabantay sa mga matatandang may dementia at may mga sakit. And I did that for night shift. So, graveyard shift," kuwento ni Josh.
Pumasok din siya bilang waiter sa isang Filipino restaurant sa Portsmouth, UK. Naging all-rounder si Josh mula sa paghuhugas ng mga pinggan, tagalinis ng sahig, at maging ng banyo.
"'Yung mga iba mahirap kasi minsan 'yung mga English very straightforward. Mga iba very strict, very rude the way they talk to you. Ugh! I hate the toilet! Ayun talaga, ayaw ko. ‘Pag nililinisan, siguro 'pag nililinisan 'yung toilet lang. 'Yun doon lang talaga ako nahihirapan," pagbahagi niya.
"Washing the dishes, the cups, mopping the floor, OK naman sa akin 'yun. That's during closing. Pero 'yung toilet lang talaga minsan 'yung mahirap," patuloy niya.
Sa kabila nito, nagpapasalamat si Josh sa naturang mga karanasan na nakatulong umano sa paghubog ng kaniyang pagkatao.
"I think it's very important for me na pinagdaanan ko 'yon. It's a humbling experience for me. Na parang ngayon, andito na ako sa point na nakikilala na ako ng tao. Dati, I'm the person who just cleans the toilets, nagma-mop, and very noble work," ayon sa Sparkle star.
"Ako happy ako na naranasan ko 'yon. Kasi, ngayon whenever I see other people na mga waiters or mga people who work normal jobs, you really have to respect them," sabi pa niya.
Kabilang si Josh sa 20 housemates sa first season ng "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition."
Nakatakda siyang bumida sa upcoming GMA Pictures filmna, "Huwag Kang Titingin," at upcoming collaboration project ng GMA Network at ABS-CBN, na "Secrets of Hotel 88," na kasama ang iba niyang kapuwa dating housemate. — mula sa ulat ni Jade Veronique Yap/FRJ GMA Integrated News
