Ibinahagi ni Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition 2.0 Kapamilya Big Winner Lella Ford na protective at estrikto bilang kuya si Daniel Padilla, lalo na pagdating sa kaniyang mga manliligaw.
“Si kuya, he's very protective, of course,” sabi ni Lella sa guesting nila ng inang si Karla Estrada sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles.
Matatandaang nagtapos ang "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition 2.0" noong Pebrero 28, at kasama ni Lella na Big Winner ang Kapuso at Sparkle star na si Caprice Cayetano.
Gayunman, sinabi ni Lella na ini-spoil siya ng kaniyang kuya DJ.
“Super. Kasi bunso po ako eh. So spoiled po ako kay kuya. Pero hindi niya po ‘yun sinasabi sa akin. Kunwari meron po akong gusto, siguro ibibigay niya sa akin next month,” sabi niya.
Hirit na tanong ni Tito Boy, “Pero siguro mas strict siya pagdating sa mga manliligaw?”
“Opo. Yes,” tugon ni Lella.
“‘Matik [automatic] na ‘yon,” hirit naman ni Karla, na ibinahaging may pag-aalinlangan din noon si Daniel tungkol sa pagpasok sa showbiz ni Lella.
Gayunman, tumindig si Karla bilang kanilang ina sa kanilang pag-uusap.
“Si DJ talagang kasama niya ang buong army (fans) sa resistance. Talagang hindi niya kakayanin. Pero napag-usapan namin,” ani Karla.
“Kasi wala akong ibang kayang ibigay na pagkukunan… I think ‘yung mga salita ko, galing kasi sa experience ko. So, ang dami kong mistakes, ang dami kong tinama. And para sa akin, ang pinakamaganda kong ginawa, ‘yung pagiging nanay ko,” pagpapatuloy ni Karla.
Hinikayat ni Karla si Daniel na pakinggan si Lella.
“Kaya, nu’ng umaayaw si Daniel, sinabi ko na, ‘Anak, pakinggan mo muna. Ibigay natin 'yung gusto niya para pagdating ng araw, hindi tayo masisi,’” ani Karla, na sinabing todo suporta sila sa PBB journey ni Lella.—FRJ GMA Integrated News
