Hangad umano ni Angelina Jolie ang “paghilom ng lahat” kasabay ng kaniyang paglalahad na sumunod na rin ang bunso niyang anak sa tatlo nitong kapatid na legal na maalis ang apelyido ng kanilang ama na si Brad Pitt sa kanilang mga pangalan.

Ayon sa ulat ng People, naghain noong Hulyo 21 ang bunsong anak ni Angelina na si Vivienne ng petisyon upang legal na baguhin ang kaniyang pangalan mula sa Vivienne Marcheline Jolie-Pitt tungo sa Vivienne Marcheline Jolie.

Batay sa mga dokumento ng korte na nakuha ng publikasyon, "peronal" ang nakasaad na dahilan ng pagpapalit ng pangalan ni Vivienne.

Bago si Vivienne, naunang naghain ng petisyon ang mga kapatid niyang sina Maddox, Zahara, at Shiloh, upang alisin ang apelyidong "Pitt" sa kanilang mga pangalan.

Ayon sa isang source na malapit kay Angelina na nakausap ng People, nananatiling nakatuon ang atensyon ng aktres sa pag-usad ng kanilang buhay.

“If people knew the whole truth, they would have more sympathy for the children and respect them,” anang source. “The fact they aren't speaking ill or sharing things publicly only shows their decency.”

Dagdag pa ng source, “Angie hasn't been fighting and isn't angry. She just wants everyone to heal.”

Naaprubahan ang kahilingan ni Shiloh na baguhin ang kanyang pangalan noong Agosto 2024, habang nakabinbin pa ang mga petisyon nina Zahara at Maddox. Nakatakda naman ang pagdinig sa kahilingan ni Vivienne sa Nobyembre 2.

Naghain si Angelina Jolie ng diborsyo laban kay Brad Pitt noong 2016, matapos ang dalawang taong pagsasama bilang mag-asawa at relasyon na nagsimula pa noong 2005.

Noong 2024, nagkaroon ng kasunduan ang dalawa kaugnay ng kanilang diborsyo. —Carby Rose Basina/FRJ GMA News