Setyembre 9, 2013 nang magulantang ang mga mamamayan ng Zamboanga City nang sumalakay ang nasa 500 miyembro ng Moro National Liberation Front, na sinasabing tapat na mga tauhan ni Nur Misuari.

Timeline: Crisis in Zamboanga City

Ginawa umano ng mga rebelde ang pag-atake bilang protesta sa gobyerno dahil sa hindi lubusang pagpapatupad sa peace agreement na pinasok nila sa panahon ng liderato ni dating Pangulong Fidel Ramos noong 1996.

Upang mabawi ang lungsod sa kamay ng mga rebelde,  iniulat na ilang araw na nananatili sa Zamboanga ang noo'y nakaupong pangulo na si Benigno "Noynoy" Aquino III para personal na subaybayan ang operasyon ng tropa ng pamahalaan.

Tumagal ng may tatlong linggo ang bakbakan bago opisyal na idineklara ng pamahalaan na tapos na ang naturang krisis at ganap nang nabawi ang lungsod.

Dahil sa naturang karahasan, maraming gusali at kabahayan ang nasunog,  nasa 24,000 pamilya ang inilikas, mahigit 200 rebelde ang nasawi, at tinatayang 19 na tropa ng pamahalaan ang nagbuwis ng buhay. -- FRJ, GMA News