Arestado sa Cainta, Rizal, ang dalawang aktor sa gitna ng isang film shooting dahil sa iligal daw na paggamit ng uniporme ng mga pulis.

Kuwento ng producer ng pelikula na si Faustino Angeles Jr., nagsasagawa sila ng taping sa Barangay San Isidro nitong Linggo ng hapon para sa isang pelikulang tungkol sa HIV at illegal drugs na ilalaban sana nila sa Thailand.

Ang eksenang kinukunan nila noon ay tungkol sa isang buy-bust operation kung saan may mga pulis na aaresto sa suspek.

Sa kalagitnaan daw ng kanilang taping, nilapitan sila ng mga opisyal ng barangay dahil daw wala silang permit na magsagawa ng ganitong aktibidad. Humingi raw sila ng paumanhin.

Maya-maya lamang, bumalik daw ang mga ito para imbitahin sila sa tanggapan ng barangay. May pulis palang naka-duty noon at sinita ang kanilang pagsusuot ng uniporme ng pulis.

Pagkatapos ng diskusyon, dinala raw sila sa police station. Mabilis daw ang pangyayari doon kung saan sumailalim na sa booking ang dalawa nilang kasamang naarestong nakasuot ng uniporme. Nakunan na sila ng mugshot at sumailalim na sa medical. Pinasok na rin sila sa kulungan.

Ayon sa hepe ng Cainta Police na si Police Superintendent Pablito Naganag, halos magpakareho raw ang ginamit nilang costume sa aktwal na uniporme ng pulis.

Sabi naman ni Angeles, makailang ulit na raw silang humingi ng tawad sa mga awtoridad. Hindi raw nila intensyong masira ang imahe ng PNP. Para sa kanila raw ay maganda pa nga ang imahe ng kapulisan sa pelikula.

Bagama’t kitang kita naman sa ipinadalang video ng grupo na halatang may camera set-up at direktor, ayon kay Naganag ay naalarma raw ang mga tao sa lugar na may nakaunipormeng pulis na nanunutok ng baril.

Puwede naman daw sanang kumuha muna ang grupo ng permit galing sa local government at Philippine National Police bago nila isinagawa ang pagsuot ng kamukha ng uniporme sa taping.

Mayroon na raw kasing insidente na may mga kriminal na nagkukunwaring pulis sa kanilang lugar kaya maingat sila dito.

Reklamong usurpation of authority at illegal use of uniforms or insignia sa ilalim ng Revised Penal Code ang haharapin ng mga inaresto.

Tumanggi munang humarap sa camera at magbigay ng pahayag ang mga naarestong aktor na nagpalipas ng gabi sa bilangguan. —KBK, GMA News