Sugatan ang isang babaeng bantay ng isang pasyente nang aksidenteng pumutok ang baril ng isang security guard sa isang ospital sa Guimbal sa Iloilo.
Sa ulat ng GMA Regional TV Ratsada Balita nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente sa Representive Pedro G. Trono Memorial Hospital kaninang umaga.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nagsagawa ng protocol ang guwardiya at sinuri ang kaniyang service firearm. Nang akala niyang wala na itong bala, kinalabit nito ang gatilyo at pumutok ang baril.
Tumama ang bala sa tiles ng sahig na dahilan para tumalsik ang mga piraso nito. Tinamaan at nagkasugat sa noo ang bantay na babae ng isang pasyente.
Kaagad namang ginamot ang biktima, at nagtamo rin ng galos ang sekyu.
Hinihintay ng pulisya kung magsasampa ng reklamo ang biktima laban sa guwardiya. – FRJ GMA News
