Inilarawan ng pinuno ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na kilalang celebrity ang isa sa mga kliyente ng napatay na tulak umano ng mga party drug na si Steve Pasion.

“Itong isang celebrity na ito e bumiibili ng drugs sa kaniya. Ang last nabili niya is about 200 pieces ng ecstasy,” sabi ni PDEA director general Aaron Aquino sa panayam ng "Dobol B sa News TV" nitong Huwebes.

Sa narekober na cellphone ni Pasion, nakita umano ng PDEA ang palitan ng komunikasyon nito sa hindi pa pinangalanang celebrity.

Sa isang mensahe, nagtatanong umano ang celebrity kay Pasion kung mayroon available suplay ng droga. Gayunman, aminado si Aquino na hindi sapat ang mga text message para idiin ang celebrity sa kaso.

"Sa cellphone na ito, nakita namin yung litrato nila, these mga celebrity,” aniya.
Sinasabing si Pasion ang umano'y big-time party drugs supplier sa Metro Manila.
Napatay siya nang manlaban umano sa isang operasyon sa Sta. Cruz, Manila nitong Martes.

Ayon kay Aquino, lumabas na rin umano ang pangalan ng naturang celebrity sa ilang operasyon nila laban sa mga bigtime drug trader.

"Parang lumabas na yung pangalan niya three times already,” aniya.

“Malaki ito. You can see him every day,” sabi pa ni Aquino na tumangging tukuyin kung sino ang celebrity. —  FRJ, GMA News