Mapapanood na simula sa Linggo ang pinakabagong Kapuso variety show na maghahatid ng ang all-out na performances at katatawanan na "All-Out Sundays."

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing masasaksihan ng mga manonood ang isang mala-musical theater sa comedy segment ng "All-Out Sundays."

Ang cast ay binubuo nina Julie Anne San Jose, Glaiza de Castro, Aicelle Santos, Paolo Contis, Betong, Kakai Bautista, Boobay and Tekla at sina Starstruck Male Ultimate Survivor Kim de Leon at First Princess Lexi Gonzales.

Nakailang beses na silang nagre-rehearse para makapaghatid ng aliw sa Linggo.

"We've been rehearshing for this since last year. Siguro mga pang-anim na yata na rehearsal ito," sabi ni Glaiza.

"Pati 'yung process ng rehearsals, parang kaming nasa teatro talaga. It's daily rehearsals and paulit-ulit," ani Aicelle.

Sobrang relax na aniya ang cast sa pakikipagtrabaho sa isa't isa dahil nagkasama na rin sila sa ibang show at ibinubuhos nila ang kanilang galing.

"Sa totoo lang po, napakahuhusay nitong mga kasama ko and nararamdaman ko talaga at nakikita ko na everyone's been preparing for this," ayon pa kay Glaiza.

Isa lamang sa segment ng "All-Out Sundays" ang comedy dahil itatampok din sa show ang todo performances sa pag-awit at pagsayaw ng iba pang kasama ng star-studded noontime show.

Kasabay ng rehearsal ng comedy, busy din sa ensayo ang iba pang stars sa kanilang musical numbers.

"Dito ilalabas ng lahat ng Kapuso talents ang kanilang talents when it comes to singing, to dancing, to comedy," sabi ni Aicelle.

Tutok sa paghahanda ang mga baguhang sina Kim at Lexi para sa All-Out Sundays.

"Nandu'n 'yung pressure pero siyempre, since ito 'yung pinaghandaan namin sa Starstruck, yes and marami kaming genre na sinubukan and isa dito din 'yung comedy so 'yan, super excited and pressured at the same time," ayon kay Kim.

"We also feel very prepared kasi we've been rehearsing for this for ilang weeks na," sabi ni Lexi.

Ihahatid ng GMA-7 ang All-Out Sundays simula sa Linggo, alas dose ng tanghali. —Jamil Santos/NB, GMA News