Labis ang pasasalamat ng buntis na pinapaalis ng kasera sa inuupahan niyang bahay dahil kaagad niyang natanggap ang pangakong tulong ni "Wowowin-Tutok to Win" host Willie Revillame.

Sa ulat ni Sandra Aguinaldo sa "24 Oras" nitong Miyerkules, ipinakita na natanggap na ni Princess Remureran at  Glenda Malvas, ang biyaya na kanilang natanggap mula kay Kuya Wil.

Matatandaan na tinawagan ni Kuya Wil si Remureran matapos niyang mapanood ang nakakaawang sitwasyon nito na inalisan ng bubong at pinto ang inuupahang bahay matapos na hindi makapagbayad ng renta dahil walang trabaho ang asawa dulot ng lockdown.

Ipinaliwanag naman ng may-ari ng bahay na kailangan din kasi niya ng pera nang sandaling iyon pero ipinalagay niya muli ang bubong.

Payo ni Kuya Wil sa ginang, huwag nang magalit sa kaniyang kasera dahil naging daan ang insidente para malaman niya ang kaniyang sitwasyon.

Sinagot ni Kuya Wil ang anim na buwang hulog sa renta ng ginang at isa pa niyang kapitbahay, at binigyan pa sila ng tig-P10,000, bukod pa sa mga bigas at pagkain.

Samantalang P20,000 naman ang ibinigay ni Kuya Wil sa nag-upload ng video dahil naging daan ito para malaman ng netizens ang kalagayan ng buntis.--FRJ, GMA News