Bibida si Pauline Mendoza sa upcoming Kapuso series na "Babawiin Ko Ang Lahat" kung saan parang pamilya na agad ang turingan ng cast sa isa't isa. Si Pauline, pinagsasabay ngayon ang kaniyang pag-aaral at trabaho.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing gaganap si Pauline bilang si Iris Salvador sa naturang series.

Mabibigat ang mga eksena ni Pauline, pero kinakaya niya naman ito sa tulong ng kaniyang co-stars.

"Lahat ng eksena ko halos everyday na umiiyak. Challenging talaga kasi very heavy 'yung mga scenes namin. Pero siyempre with the help of veteran actors,t thankful talaga ako kasi gina-guide nila ako," sabi ni Pauline.

Pinagpapatuloy pa rin ni Pauline ang kaniyang pag-aaral sa taping, kasama si Therese Malvar na kaniyang roommate at co-star.

Kasalukuyang naka-enroll sina Pauline at Teri, gumagawa ng kani-kanilang school requirements, at dumadalo ng online classes.

"Tina-try pa rin namin na masingit 'yung school works namin since I'm taking interior designing, I'm doing plates, medyo mahirap talaga. Kagaya ng rest day, dito ko talaga sinisingit," kuwento ni Pauline.

"Si Teri naman she's taking up film," dagdag ni Pauline.

Tatlong linggo nang magkakasama sina Pauline at ang kaniyang co-stars sa Babawiin Ko Ang Lahat.

Favorite bonding nila ang pagti-Tiktok na ginagawa nila sa gitna ng takes.

Bukod kay Therese, kasama ni Pauline sina Kristoffer Martin, Dave Bornea, Manolo Pedrosa, at Liezel Lopez.

Nariyan din ang mga beteranong aktor at aktres na sina Carmina Villaroel at John Estrada.

Unang nakilala si Pauline sa hit Kapuso series na "Kambal Karibal." -Jamil Santos/NB, GMA News