Inihayag ni Bea Alonzo ang kaniyang pagbati sa mabuti niyang kaibigan at dating ka-love team na si John Lloyd Cruz na Kapuso na ngayon, kung saan nadama niyang tila "magkadugtong sila ng bituka" dahil hindi sila mapaghiwalay.

"Hi Idan. Ito na naman tayo. Magkasama na naman tayo. Mukhang totoo yata 'yung sinabi nila na  magkadugtong yung bituka nating dalawa," sabi ni Bea sa isang video message.

"I cannot wait for everyone to see and experience the greatness of a John Lloyd Cruz just like I did through the years," dagdag pa niya.

"You know that I will forever be your biggest fan and congratulations for your new show and I will see you very very soon," mensahe pa ng aktres kay John Lloyd.

Para naman kay John Lloyd, pagkakataon ang muling pagsasama nila ni Bea para makapaghatid pa ang kanilang tandem ng bagong mga kuwento sa kanilang fans.

“’Yun ’yung maganda, because I think kami ni Bea being here and, like I said, about meeting new creatives, meeting new creators, tingin ko napakagandang opportunity noon for Bea and I,” sabi ni John Lloyd sa panayam sa kaniya ng GMA News Online sa kaniyang contract signing sa Kapuso Network nitong Martes.

“We have an opportunity na to encounter new narratives, mga bagong storya, mga bagong kwento na hindi pa namin nagagawa,” dagdag ni John Lloyd.

Sabi ni John Lloyd, siya ay “looking forward to that. Sana lang mainly mag-align ’yung aming schedule, ’yung aming stars.”

Bibida si John Lloyd sa bagong show sa GMA-7 na "Happy Together" na idi-direk ni Bobot Mortiz, kung saan magiging creative director din ang aktor.