Sa unang pagkakataon, naging bukas si Ruru Madrid na pag-usapan ang tungkol sa kanila ni Bianca Umali.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing bago nito, mailap si Ruru kapag lovelife na niya ang pinag-uusapan.

"I would consider her bilang isang tao na maraming nagagawa for me," sabi ng "Lolong" star tungkol kay Bianca sa Updated with Nelson Canlas.

Dagdag ni Ruru, hindi madali ang pinagdadaanan nila ni Bianca bilang celebrities.

"It's hard, sobra, sobrang hirap. Kasi totoo 'yung sinasabi ng mga tao na bawat, kaunting kibot mo, may masasabi at masasabi sila. It's not that gusto naming ilihim ito sa mga tao. But sometimes, ito na lang 'yung natitirang bagay for me na mako-consider ko na sa akin lang," sabi ni Ruru.

Samantala, may tapang na inihayag din ni Ruru sa Updated with Nelson Canlas na dumaan siya sa mga pagsubok nang hindi halos matuloy ang mga malalaki niyang proyekto sa kabila ng maganda niyang career sa mga nagdaang taon.

Dahil sa kaniyang karanasan, natuto si Ruru na maging mapagkumbaba.

"Palo rin siya sa akin eh na lumaki ang ulo ko," pag-amin ni Ruru.

"When I was doing Encantadia I felt na wala nang makakapigil sa akin. Everyone was saying na 'You're gonna be the next Dingdong Dantes.' Feeling ko kasi noong mga panahon na iyon, lahat nabigay sa akin. 'Yung mga pangarap ko dati, sabay-sabay siyang nangyari sa isang moment," paglalahad niya.

"Na-overwhelm ako," dagdag ni Ruru.

Mapapanood na ang Kapuso action-adventure serye na Lolong sa Hulyo 4 pagkatapos ng "24 Oras." --Jamil Santos/FRJ, GMA News