Natangayan ng mga alahas na nagkakahalaga ng P2 milyon ang dalawang babae matapos silang atakihin ng mga magnanakaw sa Maynila. Ngunit nabisto na "holdup me" modus lang pala ito dahil ang isa sa mga biktima, kasabwat pala ng mga suspek.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, makikita sa CCTV ang paglalakad ng babaeng nakapula na si Frances Salazar, at babaeng naka-pink na si Roselinda Samarita, sa Brgy. 227, Zone 21, noong Miyerkules.

Ilang saglit pa, lumapit ang dalawang lalaki at puwersahang kinuha ang bag ni Samarita, na isang tauhan ng alahera.

Nang makuha mula sa kaniya ang bag, hinabol ni Samarita ang suspek.

Sa isa pang kuha, makikitang hinoldup din si Salazar. Gayunman, mapapansing hindi lumaban o pumalag si Salazar.

"Mukhang planado kasi nga ho noong dumadating ang babae biglang sinalubong nila (mga suspek) agad. Alam na alam nila kung sino ang aatakihin nila," sabi ni Wilfredo Santos, Bgy ex-o ng Brgy. 227, Zone 21.

"Pagkakita natin sa CCTV, parang may something kasi paglabas nila (mga suspek), sila (mga biktima) agad ang tinumbok. Parang may nag-ano na 'Ito lalabas na ito,'" sabi ni Police Major Johnny Boy Itcay, Commander ng MPD Tayuman PCP.

Lumabas sa imbestigasyon na nakatakdang mag-deliver ng alahas ang dalawang babae sa Pasay City.

Nasa bag ni Salazar ang mga alahas, samantalang personal items naman ang nasa loob ng bag ni Samarita.

Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon, lumabas na "hold-up me" modus pala ang nangyari.

Nagtungo ang asawa ni Salazar na si Tonyme Salazar sa police station at dinala ang ilan sa mga alahas na ninakaw umano sa kanila.

"Pinadala lang sa akin, pinakuha nila doon sa bayaw ko," sabi ni Tonyme.

Hindi umubra kay Samarita ang palusot ni Tonyme dahil tila nakilala ni Samarita si Tonyme.

"Paghabol niya (Samarita), naka-shorts itong nakaputi, 'yung lalaki, nakita niya may malaking tattoo na cross sa binti sa kanan. Eh siya 'yung driver. Noong nandito na 'yung lalaki, tinignan siya kung may tattoo, positive na may tattoo," sabi ni Itcay,

Kalaunan, umamin si Salazar na pinlano niya ang pagpapa-holdup, ngunit itinanggi niyang asawa niya ang kumuha ng bag.

"Sobra lang po akong gipit, may utang po, P3 milyon po. Humihingi po ako ng pasensiya, kung mapapatawad niya man po ako, sa nagawa ko. Nagsisisi po ako sa nagawa ko," sabi ni Salazar.

Ang isa pang suspek na kinilalang si Dondon Rabandaban, na namataan sa CCTV na sakay ng kotse bago nagtungo sa crime scene.

Natukoy ng pulisya na pag-aari ng asawa ni Rabandan ang kotse.

May mga nabawi nang ninakaw na alahas na nagkakahalaga ng mahigit P978,000.

Sinisikap na mabawi ang iba pang ninakaw na mga alahas na halagang mahigit P800,000.

Nahaharap sa kasong robbery ang mag-asawang Frances at Tonyme Salazar samantalang patuloy na pinaghahanap ng pulisya si Rabandaban at ang kaniyang asawa. —LBG, GMA News