Arestado ang isang empleyado sa isang opisina sa Mandalulyong City dahil sa pagkakabit umano ng spy camera sa CR ng mga babae.

Sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing hi-tech na pamboboso ang nabisto ng Anti-Cybercrime Group (ACG) ng Eastern Police District sa isang opisina sa Barangay Plainview ng lungsod.

Nadiskubre ng mga awtoridad ang isang maliit na CCTV camera nanakakubli sa lababo sa banyo ng mga babae.

Nakabalot sa foil ang mliit na camera at nakakabit sa isang powerbank.

Isang babae ang nakabisto sa camera kaya ipinagbigay alam niya sa pulisya.

"May video camera, nakita nila. Purpose nito, recording. It can capture videos ng mga babae na gumagamit ng specific restroom na iyon," pahayag ni Police Lt. Col. Jay Guillermo, PNP-ACG Public Information Office.

Base sa imbestigasyon, nakitang pumasok sa CR ng mga babae ang  liaison officer ng kumpanya na si Wilfredo Mendoza, ilang sandali bago mabisto ang spy camera.

Nagtangka pa umanong tumakas ang suspek nang magkabistuhan, pero pinigilan siya ng mga kaopisina hanggang sa makarating ang mga pulis at inaresto si Mendoza.

Wala pang pahayag ang suspek.

Isa sa mga reklamong kakaharapin ni Mendoza ay ang paglabag sa Republic Act 9995 o ang Anti Photo and Video Voyeurism Act, ayon kay Guillermo. —LBG, GMA Integrated News