Sa Japan sinalubong nina Bea Alonzo at Dominic Roque ang Bagong Taon. Kaya naman ipinagdarasal ng aktres ang mga taong naapektuhan ng nagdaang malakas na lindol.
Sa kaniyang Instagram na iniulat din sa Unang Balita nitong Miyerkoles, mapapanood ang pag-ski ng aktres.
"Sliding my way to 2024!," saad ni Bea sa caption.
"Just like skiing, may we learn to embrace the unknown, may it be gentle slopes or unfavorable terrains. Whenever we fall, remember that we can always get up and power through, no matter the obstacle," pagpapatuloy niya.
Kasabay nito ay ipinagdasal din ng aktres ang mga naapektuhan sa nangyaring lindol sa Japan na sana ay hindi na masundan pa ang aftershocks.
Umabot na sa 55 katao ang kumpirmadong nasawi dahil sa lindol, at pinapangambahan na marami pa ang natabunan sa mga gumuhong gusali at bahay.
Isang araw matapos ang lindol, dalawang eroplano naman ang nagbanggaan sa Haneda airport sa Tokyo nitong Martes.
Nakaligtas ang 379 pasahero at crew ng Japan Airlines, pero limang sakay ng nakabanggaan nitong eroplano ng Coast Guard na tutulong sana sa mga nasalanta ng lindol ang nasawi. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News
