Huli-cam ang pasimpleng pagpasok ng isang lalaki sa bukas na gate ng isang apartment building, bago tangayin ang isang cellphone at wallet ng isa sa mga tenant sa Pasay.

Sa ulat ng Balitanghali nitong Biyernes, mapanonood ang CCTV ng pag-akyat ng kawatan hanggang sa third floor at nagmasid.

Kalaunan, nakakita siya ng isang kwarto na kaniyang tinarget at pumasok sa loob.

Agad na lumabas ang lalaki na tila walang nangyari, na tangay-tangay ang isang cellphone at wallet.

Ayon sa isa sa mga biktima, ilang oras ang dumaan bago nila napansin ang naganap na nakawan.

Naipa-blotter na ng mga tenant ang insidente sa pulisya. — Jamil Santos/BAP GMA Integrated News