Timbog ang isang babaeng online seller dahil sa ilegal na pagbebenta ng Beep cards sa mahal na presyo sa Ortigas Center, Pasig City.

Sa ulat ni Oscar Oida sa "Balitanghali" nitong Martes, sinabing nadakip sa entrapment operation ang 32-anyos na si alyas “Kate” noong Agosto 15.

Batay sa Cyber Patrolling and Intelligence Unit, natuklasan ang Facebook post ng suspek na nag-aalok ng Beep cards sa halagang P190 kada isa, na mahal sa orihinal na presyo nito na P30.

Matapos makumpirma ng DOTr na hindi siya awtorisadong distributor, doon na ikinasa ang entrapment operation.

Nagpanggap na buyer ang isang pulis at nakipagkita sa suspek, at nasamsam ang 50 pirasong Beep cards, na ibinibenta sa mga online platform.

Nahaharap si alyas “Kate” sa paglabag sa Access Device Regulation Act, Consumer Act at Cybercrime Prevention Act. — Jamil Santos/BAP GMA Integrated News