Ikinararangal ng isang misis ang kaniyang mister na tricycle driver, na sumuporta sa kaniya para makapagtapos ng pag-aaral at maging isang guro. Dahil sa pagpupursigi at pagtulong ng mister, may master’s degree na siya, magtatapos pa ngayon ng doctorate degree o PhD.
Sa nakaraang episode ng “Good News with Vicky Morales,” itinampok ang kuwentong pag-ibig nina JR Vargas, isang dating construction worker, at Haycel Cantor Vargas, isang guro.
Nagsimula ang pag-iibigan nina Haycel at JR noong 2010 noong nag-aaral pa lang si Haycel habang si JR, nagtatrabaho bilang construction worker sa isang bahagi ng kanilang eskuwelahan sa Ilagan City.
“Noong nakita ko kasi siya noong una, siya lang 'yung tinitingnan ko doon sa may school,” kwento ni JR.
Umamin naman si Haycel na nakita rin niya si JR ngunit hindi niya ito agad pinahalata.
Hindi lovelife ang priority ni Haycel dahil 16 pa lamang siya noon at magtatapos pa lamang ng High School. Katunayan, namamasukan siya noon bilang kasambahay.
Sadyang pangarap ni Haycel na maging isang guro. Ngunit dahil kapos sa pera, pinili niyang mag-aral ng vocational cosmetology. Si JR naman, nag-enroll ng vocational cookery sa parehong eskuwelahan na isinabay niya sa pagiging construction worker.
Dito na nagpursige si JR para mas mapalapit kay Haycel.
“Noong pumunta ako, nagpalinis sa kaniya ng kuko doon. Hanggang sa lumakas 'yung loob ko sir na kunin 'yung number niya,” kuwento ni JR.
“Binigyan niya naman po 'yung number niya hanggang sa nagkaroon na kami ng communication. Tinanong ko po kung may boyfriend siya. Tapos sabi niya wala naman daw po, kaya 'yun niligawan ko po,” pagpapatuloy ni JR.
Nakita ni Haycel ang magagandang katangian ni JR, na kagaya rin sa kaniyang ama.
Kalaunan, nakuha rin ni JR ang matamis na "oo" ng dalaga.
Makaraan ang dalawang taong relasyon, nagdesisyon nang magpakasal ang dalawa noong 2012.
Naging isang asawa at ina man, hindi nawala sa puso ni Haycel ang pangarap na makapagturo. Kaya hinikayat siya ni JR na muling mag-aral.
“Ganon siya ka-supportive. Kung ako lang, talagang matagal ko na rin sinukuan. Pero siya lagi niyang sinasabi, ‘Hindi, tapusin natin. Sumusuporta talaga siya,” sabi ni Haycel.
Mula sa pagiging constrction worker, naging tricycle driver naman si JR. Namasada siya sa gabi para matustusan ang pangangailangan ng pamilya pati na rin ang pag-aaral ni Haycel.
“Medyo madilim pa, sir lumalabas ako, tapos gabing gabi na ako umuwi, sir. Para makapag-ipon ako. Kung may gusto ako nu’n, kasi sir, hindi ako humihinto. Kahit mahirap, basta matapos lang,” sabi ni JR.
Nagbunga ang pagtitiyaga ni JR sa pamamasada ng tricycle, at natapos ni Haycel ang kursong edukasyon at ngayon isa nang ganap na teacher.
“Lagi kong sinasabi na walang Haycel Vargas talaga, kung wala talaga siya na sumuporta sa akin, una pa lang,” sabi ni Haycel.
Ngunit ang mag-asawa, hindi nakaligtas sa mga pangmamata ng iba lalo noong nagkaroon na ng magandang propesyon si Haycel.
“Maraming mapanghusga sa paligid, pero hindi naman sila 'yung iniikutan ng buhay,” sabi ni Haycel.
“Kung may sinasabi sa akin, hindi akong basta-basta nasasaktan, sir, kasi may paninindigan ako, sir,” sabi ni JR, na tuloy lang sa pagsuporta sa pangarap ng asawa.
Dahil sa kinikita niya sa pamamasada, nakapagmaster's degree na rin si Haycel.
Si Haycel, hindi pa natapos sa pag-abot ng pangarap at kumuha pa ng doctorate degree, na makukuha na niya ngayong buwan.
“Masaya, sir. Proud ako, sir, kasi doctorate na rin siya. Nakapagtapos na siya, sir,” sabi ni JR.
Kasintaas ng naabot ni Ma'am Haycel ang pagtingin niya sa asawang si JR.
“Sinuportahan ako sa lahat ng pangarap ko, kahit na parang ang laki-laki, napaka-imposible ng mga pangarap ko, laging lagi niya lang sinasabi sa akin, ‘Hindi, kaya mo ‘yan, naniniwala ako sa iyo. Makakapagtapos ka, matatapos mo lahat ‘yan. Kasi wala ka namang hindi natapos eh.’ Kaya 'yun 'yung laging mga word niya sa akin at sobrang na-appreciate ko siya doon. Kaya kung pagmamahal lang eh, sukat at subok na,” sabi ni Haycel tungkol sa mister.
Gaano man kalayo ang narating ni Haycel, uuwi at uuwi pa rin siya sa kaniyang pamilya.
“Answered prayer talaga siya sa akin. Kaya nga sabi ko kung bibigyan ako ng chance ulit na mamili ng asawa, siya ulit,” ani Haycel. — Jamil Santos/BAP GMA News
