Nagtamo ng mga sugat ang isang senior citizen matapos siyang mabundol ng isang van habang tumatawid sa pedestrian lane sa Infanta, Quezon.

Sa ulat ng Balitanghali nitong Martes, makikita sa CCTV footage ang senior citizen na tumatawid sa pedestrian lane sa Barangay Gumian.

Makalipas ang ilang sandali, isang puting van ang dumating at nabundol ang biktima.

Dahil sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang lalaki sa kalsada.

Ayon sa pulisya, pauwi na sa General Nakar ang senior citizen matapos magtungo sa ospital nang mangyari ang aksidente noong Linggo.

Sinabi naman ng driver ng van na nag-alangan umanong tumawid ang biktima kaya hindi siya agad nakapagpreno.

Nagkasundo na ang driver at ang biktima matapos mangako ang driver na sasagutin ang gastusin sa pagpapagamot ng senior citizen. — Jamil Santos/MCG GMA News