Nagbabala ang Philippine Overseas Employment Administration sa mga nagnanais na magtrabaho sa labas ng bansa laban sa mga Facebook account na gumagamit sa pangalan ng ahensiya ng walang pahintulot at nag-aalok ng mga trabaho sa abroad.
Sa isang pahayag, sinabi ni POEA officer-in-charge Bernard Olalia, naglipana ang mga Facebook account na may logo ng POEA at nag-aanunsyo ng mga bakanteng trabaho sa ibat'ibang bansa gaya ng Australia, Canada, Germany, Japan, New Zealand at Amerika.
Giit ng POEA, hindi beripikado at hindi aprubado ng ahensiya ang mga ito.
Kabilang sa mga tinukoy na FB accounts na walang pahintulot ng POEA ay ang POEA Jobs Online, OFW POEA Jobs Abroad, POEA Jobs Abroad, POEA Job Hiring USA, POEA Job Hiring Australia, POEA Job Hiring UK, POEA Job Agency Hiring, POEA Trabaho Abroad Hiring, POEA Jobs in Dubai, Work Abroad-POEA Licensed Company, at POEA Accredited Licensed Agency.
Ayon kay Olalia, ang opisyal ng FB account POEA ay "www.facebook.com/mypoea" at "www.facebook.com/poea.official".
Pinayuhan ng opisyal ang mga nagpaplanong magtrabaho sa ibang bansa na alamin sa POEA kung totoo ang iniaalok na trabaho at maging ang nag-aalok ng trabaho.
Maaari umanong mag-email sa website ng POEA (poea.gov.ph) o tumawag sa kanilang telephone hotlines 7221144 at 7221155 para gawin ito. -- FRJ/KVD, GMA News
