Simpleng buhay. Ganito inilarawan ni Tina Paner ang kaniyang naging pamumuhay nang manirahan sa Spain matapos umalis ng bansa at iwan ang showbiz.
Sa pocket interview nitong Miyerkules para sa kanilang 'Triplet' concert nina Manilyn Reynes at Sheryl Cruz, sinabi ni Tina na ang trabaho at anak ang kaniyang pinagtuunan ng pansin sa Spain.
"Even if I'm single, I'm very very happy na kasama ko 'yung nag-iisang anak ko. She's 14. I've been here in Manila for almost four years," saad niya.
Patuloy ni Tina, "For 11 years I've been in Barcelona. Du'n ko pinanganak 'yung anak ko. Du'n siya naging neneng. Nagtrabaho rin ako. Ang kagandahan doon, nabuhay ako nang simple. Simple lang naman 'yung buhay ko, hindi naman ako masyadong magarbong tao."
Sa Spain, namuhay umano si Tina na hindi palalabas ng bahay kapag walang trabaho at ang anak lang ang kaniyang inaasikaso.
"Kung lalabas man ako, the usual routine kong ginagawa is wake up in the morning, ayusin ko 'yung mga gamit ng anak ko, ihahatid ko siya sa school. Maggo-grocery kung ano man 'yung mga kailangan, and then trabaho. After trabaho, balik na sa bahay. Iba 'yung buhay ko du'n, napakasimple lang," kuwento niya.
Gayunman, hindi naman daw nawala ang hilig ni Tina sa pagkanta dahil nagtatanghal siya sa mga kababayan kapag may pagkakataon.
"Nakakasama ko rin 'yung mga kapwa natin kababayan 'pag nagpe-perform ako sa kanila, hindi lang sa Barcelona kundi sa ibang places din. Habang nandu'n ako, ang ginagawa akong sideline du'n, ako'yung nag-aayos ng permits ng ibang station para makapag-perform sila," pagpapatuloy ni Tina.
Natutunan din umano niya na mag-produce ng concert.
"'Yung feeling na nandu'n ako tapos ako 'yung nag-i-invite ng kapwa ko artista na, tapos ini-invite ko pa 'yung talagang malapit sa akin, para na rin akong OFW na tuwing nakikita ko sila, tuwang-tuwa ako," masaya niyang kuwento.
"Happy na happy ako kasi nakakasama ko sila nang ilang linggo. After ng ilang linggo, uuwi na naman sila ng Manila, eto na naman, malungkot na naman ako. Dumadating ang time na mami-miss mo ang buhay sa Pilipinas. That's the time na bumalik ako dito."
Nilinaw naman ni Tina ang isyu na nagkabalikan daw sila ng dati niyang kasintahan na si Ramon Christopher Gutierrez.
"I'm happily single and I'm happy with my daughter," aniya. "Juice ko wala na ngang kamatayang chismis 'yon. Bago?"
Hinala niya kung bakit sila natsi-chismis, "Kasi bago ako napunta for Artist Center, gumagawa kami ng show sa PAGCOR. So kami lagi ang nagho-show dalawa. And then lumalabas kami with friends namin."
Magaganap ang "Triplet" concert sa Setyembre 9. -- FRJ, GMA News

