Nasagip ng mga immigration officer ang 20 Pinay mula sa galamay ng isang sindikatong sangkot sa prostitusyon sa Kota Kinabalu, Sabah. Nadiskubre rin sa sinalakay na hotel na pinaglagyan sa mga biktima ang pera na aabot sa RM13 milyon o katumbas ng US$3.121 milyon.
Sa ulat ng The Straits Times, sinabing isinasagawa ng mga awtoridad ang operasyon matapos makakuha ng impormasyon na may tatlong Pinay na hawak ng sindikato ang nasa hotel spa.
Nang isagawa ang pagsalakay, 17 pang Pinay ang nakita sa ibang kuwarto na nasa edad na late teens at early 30's.
Kasabay sa paghahanap sa mga babae, nakita ang RM11.9 milyong pera sa iba't ibang kuwarto, at RM1.17 milyon naman sa katabing apartment ng hotel.
Isang Filipino at dalawang Malaysian ang inaresto sa hinalang nagsisilbi bilang middlemen para sa sindikato.
Ayon kay Immigration Director-General Datuk Seri Mustafar Ali Mustafar, patuloy ang pagsisiyasat sa kaso sa ilalim ng kanilang Anti-Trafficking in Persons and Anti Smuggling Act. — FRJ, GMA News
