Sa pambihirang pagkakataon, magsasagawa ng job fair ang Department of Labor (DOLE) sa Middle East para alukin ng trabaho at hikayating umuwi ng Pilipinas ang ilang OFW doon.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing isasagawa ang malakihang job fair sa Qatar na tatagal ng isang linggo.

Tinatayang nasa 18,000 trabaho umano ang maiaalok ng DOLE sa mga OFW, katuwang private sector para sa mga skilled at semi-skilled worker, lalo na sa construction industry.

Bukod pa rito ang may 2,000  guro na kakailangan naman ng Department of Education (DepEd).

"In the meantime we are getting the profile of our overseas workers in the middle east. Mag-job fair tayo d'un para sa trabaho dito," sabi ni DOLE Sec. Silvestre Bello III.

Hindi pa maibigay ng DOLE ang kabuuang detalye tungkol sa job fair dahil magkakaroon pa umano ng mga pagpupulong kasama na si dating Senador Manny Villar, na sinasabing nangangailangan ng mga manggagawa para sa real estate business.

Batid daw ni Bello na mas malaki pa rin ang kikitain ng mga skilled at semi-skilled worker sa ibang bansa pero dapat naman daw isaalang-alang ang insidente ng pang-aabuso sa ilang OFWs.

Hindi umano maaaring ikumpara ang kikitain ng mga manggagawa sa kanilang buhay.

Ikinatuwa naman ng OFW group na Migrante ang naturang balita pero duda sila kung kakayanin ng gobyerno na matustusan ang pangangailangang pinansyal ng mga uuwing OFW.

"Kung OFW, talagang magtatanong kami anong klaseng trabaho 'yung maibibigay n'yo sa amin?," ayon kay Arman Hernando, spokesperson, Migrante.

Sa tala ng Department of Foreign Affairs, aabot sa mahigit dalawang milyon ang OFW sa Middle East, at hindi pa kasama rito ang mga undocumented.

Pinakamarami sa mga OFW ang nagtatrabaho sa Saudi Arabia, United Arab Emirates, Kuwait at Qatar. -- FRJ, GMA News