Idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte na mananatili ang ban sa pagpapadala ng mga overseas Filipino worker sa Kuwait kasunod ng pagkakatuklas sa bangkay ng isang Pinay sa freezer sa isang apartment sa nasabing bansa.
"We do not intend to offend any government or anyone. But if a ban is what is needed, then let it be so," sabi ni Duterte sa pulong balitaan na ginanap sa Davao City nitong Biyernes.
Kinondena ni Duterte ang pagkamatay ni Joanna Daniela Demafelis, kasabay ng muling pakiusap niya sa Arab nations na tratuhin na may dignidad at respetuhin ang mga manggagawang Pinoy.
"The Filipino is no slave to anyone, anywhere and everywhere. Every unlawful physical injury that is inflicted on an OFW [overseas Filipino worker] is an injury [that] I personally bear as the head of this Republic," sabi ng pangulo.
"Every abuse committed against an OFW is an affront against us, as a sovereign nation. [All that] I ask [for] our overseas Filipino workers, is that their dignity is honored and the rights of a human being, upheld and respected," dagdag niya.
Ayon pa sa pangulo, nakahanda siyang gumawa ng matinding hakbang para iligtas ang kaniyang mga kababayan.
"We send to you a Filipino worker, hale and hearty, determined to work his heart out in order to give his family a decent and comfortable life in the Philippines. Do not give us back a battered worker or a mutilated corpse," aniya.
"We do not intend to offend any government or anyone. But if a ban is what is needed, then let it be so," dagdag niya.
Hinikayat naman ni Duterte ang mga Pinoy sa Kuwait na nais nang umuwi sa bansa na tutulongan sila ang gobyerno.
Makikipag-ugnayan din umano ang pangulo sa Philippine Airlines at Cebu Pacific para tumulong din para makabalik ng bansa ang mga OFW.
Nais din ni Duterte na kasuhan at ikulong ang mga recruiter ng mga nasawing OFWs.
Nitong Biyernes ng umaga, 60 distressed OFWs mula sa Kuwait ang dumating sa bansa.
Sa ulat ni Super Radyo dzBB's Sam Nielsen, sinabi umano ng opisyal ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na karamihan sa mga bumalik na OFW ay nakatikim ng pagmamalupit ng kani-kanilang mga amo sa Kuwait.
Ang iba sa kanila, umuwi na sa bansa matapos na mapaso ang kanilang employment contracts.
May nauna na nang grupo ng OFW mula sa Kuwait ang nakabalik sa bansa noong February 2 at 4, kasunod na rin ng inialok na amnesty program ng Kuwaiti government sa mga overstaying foreign workers.—FRJ, GMA News
