Isang sindikato na nakabase umano sa Dubai ang iligal na nagpapadala ng mga Filipino sa Iraq, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).

"Trafficking syndicates have been luring victims by offering to advance the cost of their travel to Dubai where high-paying jobs are supposed to be waiting for them," ayon sa pahayag ng DFA nitong Huwebes.

Ang mga Pinoy ay idinadaan umano sa Erbil ng Kurdistan Region ng Iraq at saka ipupuslit sa Baghdad o Basra.

Nakapapasok umano ang mga biktima sa Dubai gamit ang tourist visa, at pagtatrabahuhin ng sisndikato nang walang bayad na bahagi umano ng kanilang "training."

"Once their visas are about to expire, the victims are told to accept jobs in Iraq or pay the syndicates the US$3,000.00 they supposedly spent for their deployment," ayon sa DFA.

Kamakailan lang, nasagip ng Philippine Embassy sa Baghdad ang dalawang Pinay mula sa southern province ng Basra sa tulong ng local anti-human trafficking group.

Nananatiling pinaiiral ang deployment ban sa Iraq.

Nagbabala ang embahada na maaaring makulong at patawan ng malaking multa ang mga Filipino na pupunta ng Iraq nang walang visa.

"Filipinos who want to work abroad to first check job offers with the Philippine Overseas Employment Administration," paalala ng DFA.

Mayroon umanong 4,000 Filipino na nagtatrabaho sa Iraq, at nasa 3,000 ang nakabase sa Kurdistan.— FRJ, GMA News