Inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Miyerkules na nais niya na mas maging mabilis ang transaksyon ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) sa mga paliparan.

"No more human contact. You just swipe your... two minutes, i-swipe mo lang 'yung visa mo , you're out. Wala nang tanong-tanong, no more human contact and that will be true and I'm ordering it now. You have to make it faster," sabi ni Duterte sa kaniyang talumpati sa seremonya ng Presidential Awards for Filipino Individuals and Organizations Overseas and Overseas Workers Welfare Administration at 2018 Model OFW Family of the Year Awards sa Malacañang.

Binigyan-diin din ni Duterte na ang kapakanan ng mga OFW ang isa sa mga prayoridad ng kaniyang administrasyon.

Nitong nakaraang linggo, inihayag ng Bureau of Immigration na gumagana na 18 electronic gates sa tatlong international airport sa bansa. Dahil dito, hindi na kailangang pumili sa mga immigration counter ang mga Pinoy na may hawak ng pasaporte.

Binalikan din ni Duterte ang insidente ng umano'y "tanim-bala" modus na nagpagalit daw sa kaniya.

"I made my stand very clear that I won't allow... ihinto nila 'yang kalokohan nila, kabastusan nila na bala, tanim bala. Sabi ko, kung gusto ninyo sa inyo na 'yan but kakainin ninyo 'pag nag-umabot tayo. Since then ay wala na akong narinig. P***** i** ninyo, patayin ko talaga mga leche kayo," babala niya.

"I don't allow rampant corruption, I don't allow the opening of bags in the airport, lalo na 'yung mahihirap... ako naman kasi'y isang anak lang din ng mahirap," dagdag ng pangulo.

Inihayag din ni Duterte na kailangan magkaroon ng hakbang para mapabuti ang kapakanan ng mga OFW at hindi lang dapat na tawagin silang mga "bagong bayani."

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, nasa P1.3 bilyon ang ambag sa ekonomiya ng mga OFW sa pamamagitan ng mga ipinadadala nilang remittance.-- Dona Magsino/FRJ, GMA News