Isa pang Filipino ang nasawi matapos na malunod sa ilog sa New Zealand, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Huwebes.

Sa pahayag, sinabi ng Philippine Embassy sa Wellington na naligo sa Whanganui River sa Wellington kasama ang mga kaibigan ang 20-anyos na biktima noong Miyerkules ng gabi nang mangyari ang trahediya.

Kinabukasan na nakita ang kaniyang katawan.

Ito na ikalawang insidente ng pagkalunod ng Pinoy sa New Zealand sa loob ng isang linggo, at ikatlo naman mula noong nakaraang Oktubre.

Nitong nakaraang Biyernes, nalunod ang Filipino student na si Kent Espinosa habang naliligo sa Whangarei Falls. Noong nakaraang Oktubre, isang Pinoy din ang nalunod nang tangkain niyang sagipin ang kaniyang mga pamangkin.

Dahil sa magkakasunod na insidente, sinabi ni Ambassador to New Zealand Jesus Gary Domingo na magsasagawa ang embahada ng townhall sa Pinoy community para sa water safety awareness.--FRJ, GMA News