Sinasaktan umano at hindi pinapasuweldo ang isang Pinay caregiver sa Jeddah, Saudi Arabia.

Ayon sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA "24 Oras" nitong Lunes, taong 2017 nang magsimulang mamasukan doon ang 49-anyos na biktimang itinago sa pangalang Loida.

Single parent umano ang OFW at mag-isang itinataguyod ang kaniyang mga anak kaya't nagtaka ang kaniyang pamilya nang bigla na lang naputol ang kaniyang pagpapadala ng pera simula nitong Disyembre.

Nalaman na lang nilang minamaltrato na raw si Loida nang may kumontak sa kanilang kapwa-OFW nito.

Binubugbog, sinasampal, at sinisipa umano ng kaniyang amo ang Pilipina. Minsan rin daw itong nakitang duguan ng kaniyang mga kasamahang Pinoy.

Kinumpiska rin daw ang cellphone ng biktima kaya hindi ito makausap ng kaniyang mga kaanak.

Nakikiusap ang pamilya ni Loida sa gobyerno para sa agarang pagsagip sa kaniya.

Nangako naman ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na aaksyunan nila ang kalagayan ni Loida sa lalong madaling panahon.

"Makikipag-coordinate tayo sa POLO [Philippine Overseas Labor Office] para agaran siyang mapakausap at maaksyunan ang kaniyang pangangailangan in terms sa pagsagip sa kaniya at pagsasaayos sa kaniyang pag-uwi," ayon kay Hans Leo Cacdac, administrator ng OWWA.

"'Yung recruitment agency niya dito sa Pilipinas ay kakausapin din natin at pananagutin natin sa responsibilidad na mapauwi siya at malagay sa mabuting kalagayan," dagdag pa niya. —Dona Magsino/LDF, GMA News