Nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na pamahalaan na ang mamamahala sa pag-recruit ng mga overseas Filipino worker (OFWs) sa buong bansa. Kasabay nito, muli niyang hiniling sa Kongreso na ipasa na ang panukalang batas na lilikha sa Department of OFW.

"Buong Pilipinas 'to bawal na 'yang recruitment diyan sa labas," pahayag ni Duterte sa kaniyang talumpati sa Araw ng Pasasalamat for OFWs na ginanap sa Camp Aguinaldo nitong Biyernes.

Dismayado raw kasi ang pangulo sa patuloy na insidente ng pang-aabuso sa mga OFW.

"I have the power to do that because that kind of mechanism of recruiting Filipino workers abroad has been abused and abused and abused at ang mga kababayan ko puro biktima, puro kawawa," saad niya.

"Kaya kayong mga recruitment, bilang talaga ang araw niyo. 'Pag hindi ko kayo nadala sa usapan na maganda, brasuhan tayo," babala niya.

Kasabay nito, muli niyang ipinanawagan sa Kongreso na ipasa ang panukalang batas na lilikha sa Department of OFW pagsapit ng Disyembre.

Makatutulong umano ang bubuuing kagawaran para mapadali ang pagproseso sa mga kailangan ng mga Pinoy na nais magtrabaho sa ibang bansa.

Sinabi naman ni Senador Bong Go, na kayang maipasa ang panukalang batas para OFW department sa Disyembre kapag sinertipikahan ito ng pangulo na "urgent bill."

Dagdag ng senador, naihain na niya sa Senado ang bersyon niya ng naturang panukalang batas.-- FRJ, GMA News