Dinagsa ng mga overseas Filipino worker at mga kaanak nila ang 9th OFW and Family Summit na ginanap sa World Trade Center sa Pasay City nitong Martes.

Sa ulat ni Bernadette Reyes sa GMA News  "24 Oras," sinabing tinalakay sa naturang pagtitipon ang mga paraan para hindi mabiktima ng mga illegal recruiters at human traffickers.

Ang "Kabuhayan sa Sariling Bayan" ang naging tema ngayong taon ng pagtitipon na layon maging financially literate ang mga OFW at kanilang pamilya sa pamamagitan ng mga seminar.

Ayon kay Department of Trade and Industry Secretary Mon Lopez, bukod sa sahod ng bilang OFW, maaari ding magnegosyo ang isang OFW o mga kaanak para kumita ng mas malaki.

"Kung magaling silang magluto sa pinagalingan nila [na bansa] eh 'di resto ang itayo nila," sabi ni Lopez sa hiwalay na ulat sa GMA News "24 Oras."

"Hindi nila kailangang magtayo ng resto kung ang galing mo caregiving  or ikaw ay graphic artist puwede ka graphic designer at 'yun ang iyong negosyo na i-o-open mo," payo pa ng kalihim.

Ayon naman kay Las Piñas Rep. Camille Villar, "Ang pagnenegosyo naman ay hindi kailangang malaki ang kapital. Kailangan magpursige kayo at may wastong kaalaman sa negosyo at hanapbuhay na 'yon."

Sinsabi naman ni Senador Cynthia Villar, director, Villar Social Institute for Poverty Alleviation and Governance,  makakatulong ang summit para madagdagan ang kaalaman ng mga OFW at makaiwas sa mga modus ng mga illegal recruiters at human traffickers.

Bukod sa negosyo, marami rin daw na naeengganyong magpasok ng puhunan sa negosyo kaya mahalaga rin daw na maging mapanuri.

"Nagtuturo din kami how to prevent na maloko ka 'yun mga scam kasi alam ng mga tao na may mga savings ang mga ofw so tinatarget din sila ng mga scam," anang senadora.

Mayroon ding mga booth sa summit at mga ahensiya ng gobyerno na handang magbigay ng serbisyo sa mga OFW at kanilang mga kaanak.

Sa pamamagitan ng Negosyo Centers ng DTI, maaaring humiram ng P5,000 hanggang P200,000 na puhunan.

Kailangan lang magsumite ng application form at patunay na mayroong negosyo. -- FRJ, GMA News