Dahil sa 2019 coronavirus disease o COVID-19, ilang Filipino na napagkakamalang Tsino ang nakararanas umano ng diskriminasyon sa Italy. Bukod dito, naapektuhan na rin ang ilan nilang pinagkakakitaan.
Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Miyerkules, ipinakita ang isang video na kuha sa isang tren sa Milan na may isang Italya na galit na pinagsasabihan ang Pinay na nag-upload ng video.
Maruming Tsino raw ang tawag ng babaeng nagagalit sa Pinay na kasama pa noon ang dalawa niyang anak.
May ilan din namang Italyao ang nagtanggol din sa kanila.
Pinalipat na lang daw ng puwesto ang mga Pinoy nang mayroong isang pulis na rumesponde.
May nangyari din umanong insidente ng diskriminasyon ng mga Pinoy sa Rome.
Kuwento ni Erlinda Gregorio, sasakay sila ng train pero pagbukas ng pintuan nito ay nagtatakbuhan na palayo ang mga kabataang Italyano at sinasabihan silang mga Tsino.
"Mga Intsik daw kami, 'Ayan!, ayan! na mga salot na may dala ng coronavirus,'" kuwento niya.
Sinabi rin ni Gregorio na naapektuhan din ang kanilang trabaho lalo na ang mga may part-time jobs.
"Masyado nang naaapektuhan iyong mga trabaho namin. Kaming mga part-timer, halos sa mga amo namin, ayaw na kaming papasukin dahil natatakot sila na makakuha kami ng virus," saad niya.
Ayon naman kay Fiorella Villanueva, ilang paaralan din ang nagsara tulad ng pinapasukan ng kaniyang anak.
"Nagsara po ang mga school gaya po ng baby ko. Hindi po siya pumapasok, two weeks na po siyang hindi pumapasok. Iyong mga church, nagsara na rin po," pahayag niya.
Ramdam ang pangamba ng mga Italyano sa COVID-19 dahil sa pagkaunti ng mga tao labas. Naging matamlay ang mga sikat na pasyalan, may panic-buying sa ilang grocery store, at tila naging ghost town ang mga opisina dahil hindi na muna pinapapasok ang mga empleyado at pinapayagan na lang magtrabaho sa kani-kanilang bahay.
Mahigit 2,000 na ang kompirmadong kaso ng COVID-19 sa Italy at 79 ang nasawi.-- FRJ, GMA News
