Naging emosyonal ang isang mag-ina matapos silang sorpresahin ng kanilang padre de pamilya na OFW na limang taong hindi nakauwi sa kanilang tahanan.

Kasama sa sopresa ng mister ang kaniyang proposal sa kaniyang misis.

Sa Unang Balita nitong Miyerkules, sinabing nag-viral ang video ng batang si Timothy, na nahihilig sa online shopping.

Sa video ni Maurine Carera Ramos, mapapanood ang paghagulgol ng kaniyang anak matapos dumating ang isang delivery rider sa kanilang bahay, dahil wala siyang pambayad.

Pero ang hindi alam ni Timothy, ang kaniyang ama palang si Mc Gerald Ramos ang dumating.

Bago nito, limang taon na nagtrabaho sa UAE si McGerald kaya matagal siyang nawalay sa kaniyang mag-ina.

Hindi pa natapos ang sorpresa ni Daddy McGerald sa kaniyang pamilya, dahil lumuhod at nag-propose na rin siya kay Mommy Maurine.

Umani ng mga puso mula sa netizens ang masayang reunion ng mag-anak. —Jamil Santos/LBG, GMA News