Sa halip na fresh balut, isang buhay na itik na ang bumungad sa isang overseas Filipino worker (OFW) sa Kuwait nang buksan niya ang inorder na package mula pa sa Pilipinas.

Inilahad ni Gio Miranda na gusto niyang kumain ng balut kaya bumili siya ng ilang tray dito sa bansa, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes.

Ayon pa kay Gio, nagbilin siya sa seller na fresh balut o hindi pa nailalagang balut ang ipadala.

Ngunit nang buksan ang package, tumambad sa kaniya ang isang buhay na itik.

Pinangalanan ni Gio na "Balut" ang anim na araw na ngayon na itik.

Pagbibiro naman ni Gio, pati itik ay kailangan nang kumakayod sa abroad at nakalibre pa ng visa at plane ticket.

May mahigit 400,000 views na ang video sa Tiktok. —Jamil Santos/LBG, GMA News