NEW YORK - Ilang linggo nang hindi nakakapagpadala ng pera sa kaniyang pamilya sa Pilipinas si "Jesus" ('di niya tunay na pangalan). Ang dahilan, hindi na siya makapasok sa trabaho dahil sa pangamba na baka mahuli siya ng mga awtoridad. Kabilang kasi siya sa mga Pinoy na walang kaukulang dokumento para maging legal ang pananatili sa Amerika.

Nagtatrabaho si Jesus sa isang gusali sa Manhattan pero ilang araw na siyang hindi pumapasok dahil sa pinaigting na kampanya ng Immigration and Customs Enforcement (ICE) laban sa mga katulad niyang hindi dokumentong naninirahan sa Amerika.

BASAHIN: 15 undocumented Pinoy sa US, ipapa-deport; pag-aresto, posibleng gawin din sa paaralan, simbahan

Ilang daang illegal migrants na ang pina-deport ng US matapos maupo sa White House ang balik-presidente na si Donald Trump, na kabilang sa mga ipinangako noong kampanya ay wawalisin niya sa US ang mga ilegal na dayuhang naninirahan at nagtatrabaho sa kanilang bansa.

Ang masakit para kay Jesus, kabilang siya sa mga sumuporta kay Trump nitong nagdaang halalan.

Mahigit dalawang dekada na sa U.S. si Jesus. Ipinetisyon naman daw siya ng dati niyang employer para maging legal ang pananatili niya sa Amerika. Pero natigil ang pagpreseso nito nang mabangkarote ang kanilang kompanya.

Ngayon, bihira nang lumabas ng kaniyang tinutuluyan si Jesus kaya hindi na rin makapagtrabaho sa takot na baka maaresto siya ng ICE.

Ayon kay Jesus, mahalaga sa kaniya ang kumita dahil may umaasa sa kaniya sa Pilipinas. Kung wala lang daw sanang umaasa sa kaniya ay uuwi na siya sa bansa.

Gayunman, nasa Amerika na raw ang kaniyang buhay at mahirap din umano ang buhay sa Pilipinas.

"Paano ka sasakay at pupunta sa pagtatrabahuhan mo kung biglang masasamahan mo may 'yelo' [ICE]," saad niya.

Bukod sa ICE, nagsasagawa rin ng operasyon at nagbabahay-bahay, at pumapasok sa mga establisimyento ang mga tauhan ng Homeland Security para maghanap ng mga dayuhan na walang maipapakitang dokumento na magpapatunay na legal silang naninirahan at nagtatrabaho sa US.

Apela ni Jesus kay Trump, "Sana mapakinggan ng ama ng bansang ito na ako'y sumuporta sa kaniya maunawaan niya ang sitwasyon namin dito. Hindi naman kami mga pusakal, hindi naman kami magnanakaw."

Ang Filipino American Legal Defense and Education Fund (FALDEF), kasalukuyang tumutulong at nagbibigay ng impormasyon sa mga Pinoy doon tungkol sa kanilang karapatan.

Ayon kay FALDEF Executive Director and immigration lawyer Licelle Cobrador, mahalaga na malaman ng mga apektado ng crackdown ang kanilang legal na karapatan.

"Kapag may kumatok at sinabing ICE agent sila, kailangan may makita silang dokumento, kasulatan kung bakit kailangan ba talagang papasukin 'yon? mayroon ba talagang warrant? mayroon bang notice to appear? Kasi kung wala at binuksan nila, problema 'yon kasi binuksan nila, pinapasok nila," paliwanag niya.

Sinabi rin ni Cobrador na dapat laging dalhin ng mga Pinoy ang kanilang valid identification para maiwasan ang mga aberya kapag may nakaharap silang ICE agents sa mga pampublikong lugar.

Ayon kay Cobrador, maaaring arestuhin at idetine ng ICE agents ang sinumang migrante na walang maipapakitang green card o immigration papers, gaya ng employment authorization o approval notices na magpapatunay na legal ang pananatili nila sa US.

Una rito, sinabi ni Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez, na mayroon nang 24 na Pinoy sa US ang ipina-deport, na karamihan ay hindi nag-renew ng kanilang work permit. -- mula sa ulat ni Dave Llavanes Jr./FRJ, GMA Integrated News