Magkakaroon ng bagong pinuno ang Manila Economic and Cultural Office (MECO) sa Taiwan matapos italaga ang kasalukuyan nitong chairperson na si Atty. Cheloy Garafil bilang bagong secretary general ng Kamara de Representantes.

Ang paghirang Garafil bilang bagong House SecGen ay bunsod ng pagbabago sa liderato ng Kamara matapos magbitiw bilang Speaker si Leyte Representative Martin Romualdez at pumalit sa posisyon si Isabela Rep. Faustino “Bojie” Dy III.

Nitong Martes, pinanumpa ni Dy si Garafil sa bago nitong posisyon sa Kamara at pinalitan niya si Reginald Velasco.

Nanumpa rin si retired Brigadier General (Army) Ferdinand Melchor de la Cruz bilang bagong Sergeant-at-Arms ng Kamara, kapalit ni Police Major General Napoleon “Nap” Taas.

Naging pinuno ng MECO si Garafil noong nakaraang September 2024, at pinalitan niya sa naturang posisyon si Silvestre Bello III.

Pero bago mapunta sa MECO, nakatalaga muna si Garafil bilang pinuno ng Presidential Communications Office (PCO).

Inaasahan na pipili muna ang mga miyembro ng Board ng MECO kung sino ang magiging pansamantalang pinuno ng tanggapan, bago ang opisyal na anunsyo ng Palasyo sa magiging kapalit ni Garafil sa iniwan niyang puwesto.

Kabilang sa mga miyembro ng Board sa MECO ang dati ring PCO head na si Jay Ruiz.

Dahil walang embahado o konsulado ang Pilipinas sa Taiwan, ang MECO ang nagsisilbing tanggapan doon ng bansa. Kabilang sa mga tungkulin nito ay pangalagaan at pagsilbihan ang mga overseas Filipino workers (OFWs) sa naturang teritoryo na sinasabi ng China na bahagi ng kanilang bansa bilang isang lalawigan.

Batay sa mga ulat, nasa 150,00 hanggang 250,000 ang mga OFW na nasa Taiwan.– mula sa ulat nina Anna Felicia Bajo/ Llanesca T. Panti/FRJ GMA Integrated News