Isang illegal recruiter umano ang naharang ng mga awtoridad sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) habang patungo sana sa Vietnam kasama ang anim na tao na ni-recruit daw nito.

Sa ulat ni Ralph Obina sa Super Radyo dzBB nitong Miyerkoles, sinabing naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang pitong tao, kabilang ang suspek na patungo sanang Vietnam,

Pero natuklasan na sa Cambodia umano talaga ang destinasyon ng grupo at ipapasok bilang costumer service representatives ang anim na ni-recruit na kasama ng suspek.

 

 

May pangako umanong sahod na katumbas ng P29,000 hanggang P47,000 ang mga ni-recruit ng suspek.

Nang makipag-ugnayan umano ang National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Migrant Workers (DMW), na natuklasan na hindi awtorisado ang suspek na mag-recruit ng OFW para magtrabaho sa abroad.

Matatandaan na noong 2024, iniulat ng Philippine Embassy sa Cambodia na 80 OFW ang sinaklolohan sa Cambodia mula sa mga scam hub. Habang sa taong ito ng 2025, umabot naman ng halos 200 ang nasagip. – FRJ GMA Integrated News