Naglabas ang Embahada ng Amerika sa Maynila ng security alert nitong Biyernes para sa mga mamamayan nila sa Pilipinas kasunod ng pagkamatay ng dalawang Amerikano sa sinasabing sagupaan sa Toboso, Negros Occidental.
Sa nasabing security alert, tinukoy ng embahada bilang mga "areas of heightened concern" ang mga kanayunan at kabundukang bahagi ng Leyte, Mindoro, Negros, at Samar.
"We advise Americans in the Philippines and around the world to abide by local laws and to avoid situations with elevated security risk," babala ng embahada.
Dalawang US citizens ang kabilang sa 19 na nasawi sa operasyon ng Philippine Army laban sa mga hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Barangay Salamanca noong Abril 19.
Ipinaalam din ng embahada sa kanilang mga mamamayan na ang NPA ay itinuturing ng pamahalaan ng US at Pilipinas na isang foreign terrorist organization.
"Anyone in proximity of NPA elements is at grave risk of arrest, injury, or death. Foreign terrorist organizations actively recruit Americans to participate directly in terrorist activities and/or provide financial support," dagdag nito.
Hinimok muli ng embahada ang mga kababayan nila sa Pilipinas at sa buong mundo na sumunod sa mga lokal na batas at umiwas sa mga sitwasyong may mataas na panganib sa seguridad.
Pinayuhan din ang mga mamamayan ng US na huwag makiugnay sa mga grupong rebelde o terorista at agad umalis sa mga lugar na may presensya ng mga armadong indibidwal na hindi konektado sa pulisya o militar.
Hinikayat ang mga kababayan nila na nagpaplanong magsagawa ng humanitarian work na makipag-ugnayan sa mga organisasyong rehistrado sa Philippine National Volunteer Service Coordinating Agency at sa mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan at wastong dokumentasyon.
Isang vigil ang ginanap kamakailan sa harap ng Philippine Consulate sa New York para kina Lyle Prijoles at Kai Sorem, na kinilala ng mga kalahok bilang Filipino Americans na nasawi sa insidente sa Toboso.
Nauna nang pinabulaanan ng Apolinario Gatmaitan Command ng NPA ang ulat ng militar, at sinabing iilan lamang sa mga napatay ang armadong mandirigma at ang ilan ay sibilyan.
Ayon sa grupo, kabilang sa mga sibilyang nasawi sa operasyon ng militar ang magsasakang si Roel Sabillo at ang mamamahayag na nakabase sa Bacolod na si RJ Ledesma.
Samantala, sinabi ng UP Diliman University Student Council (USC) na kabilang sa mga nasawi ang student leader na si Alyssa Alano.
Kinumpirma rin ng University of the Philippines Open University (UPOU) na nasawi rin sa insidente ang kanilang Associate of Arts student na si Maureen Keil Santuyo.
May dalawang menor de edad ang kabilang din sa mga nasawi.
Iginiit naman ni Philippine Army spokesperson Colonel Louie Dema-ala na kumilos ang mga sundalo ng 79th Infantry Battalion (79IB) nang propesyonal at alinsunod sa International Humanitarian Law.
"Ano ang ginagawa ng mga sinasabi nilang journalist, social workers, faculty members, spokesperson ng mga progresibong grupo sa loob ng encounter site na may mga bitbit na baril at nakikipagbarilan sa ating mga sundalo?" ayon kay Dema-ala.— Joviland Rita/FRJ GMA News

