Nagbayanihan ang mga residente sa isang barangay sa Calasiao, Pangasinan upang tulungan ang isang ama at kaniyang apat na anak matapos silang mawalan ng bahay dahil sa sunog. Ang apat na magkakapatid, pawang may kapansanan.
Ipinakita ng ilang residente at dudes sa Maritan nagbayanihan para matulungan ang pamilyang nasunugan sa Calasiao, Pangasinan.
Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon, ipinakita kung ano na lang ang natira sa natupok na bahay ng 55-anyos na si Carlito Macaraeg, noong Lunes ng tanghali.
Hindi napigilan ni Tatay Carlito na maluha, na iniisip ang kalagayan ng apat niyang anak na pare-parehong may kapansanan.
Matapos malaman ang kalagayan ng pamilya ni Tatay Carlito, umusbong ang diwa ng bayanihan sa kanilang barangay.
Ilan ang nagpaabot ng tulong pinansiyal, mga lumang damit, pagkain at mga pangangailangan sa araw-araw.
Pinangunahan ng punong barangay ang pagsasama-sama ng mga residente sa bagbuhat ng bahay-kubo para may pansamantalang masisilungan sina Tatay Carlito at kaniyang mga anak.
“Kung ano man 'yung mga materyales na puwedeng bilhin, ipo-provide namin. Kung kumulang man 'yung mga donasyon, handa po ang Barangay Longos na dagdagan po ‘yun,” sabi ni Joseph Uson, chairman ng barangay.
Nagmagandang-loob din ang isa pang residente na nagbigay ng bahagi ng kanilang lupa para doon ilagay ang kubo.
Ang pamilya ni Adelita Maynigo-Sanchez, na may-ari ng lote, ang nagpapakain, nag-aalaga at nagtuturo din sa apat na may kapansanan na anak ni Tatay Carlito.
“Walang mga magga-guide sa kanila, kaya ako na lang po… Kahit na mahirap, kakayanin natin sa pagtulong kahit kunti-kunti, sir,” sabi ni Adelita.
Dumadalaw din ang mga opisyal ng barangay ang pamilya para mabigyan ng serbisyong medikal.
“Open naman 'yung pintuan natin sa kaniya, 24/7. Kung ano man 'yung mga pangangailangan, nandito lang ang Longos Barangay Council handang ibigay lahat 'yung mga unang mong pangangailangan,” sabi ni Uson.—Jamil Santos/FRJ GMA News
